
Ni NOEL ABUEL
Suportado ni Senador Win Gatchalian ang desisyon ng Kamara na ipagbawal ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na mag-operate sa bansa dahil sa patuloy na pagkakasangkot ng industriya sa iba’t ibang kriminalidad.
“Ako ay sumusuporta sa pag-apruba ng Mababang Kapulungan para i-ban ang POGO. Hindi tayo hihinto hanggang sa tuluyan na silang mapatalsik sa bansa,” ani Gatchalian, na dati nang isinusulong ang pagpapatalsik sa mga POGO dahil sa krimen na kinasasangkutan ng industriya.
Tinukoy pa ng senador na kabilang sa mga naturang krimen ang prostitusyon, human trafficking, forcible abduction, homicide, illegal detention, kidnapping-for-ransom, theft, robbery-extortion, serious physical injuries, swindling, grave coercion, at iba’t ibang online fraud tulad ng investment scam, cryptocurrency scam, at love scam.
Ipinaalala ng senador na karamihan sa mga Pilipino ay hindi pabor na payagan pa ang mga POGO na manatili sa bansa, ayon sa pinakahuling survey na isinagawa ng Pulse Asia Research.
Batay sa survey, na isinagawa mula Disyembre 3 hanggang 7 noong nakaraang taon, 85% ang hindi pabor sa POGO operations sa bansa: 82% sa National Capital Region, 88% sa Luzon, 93% sa Visayas, at 75% sa Mindanao.
Ang paninindigan ni Gatchalian ay naaayon sa lumalagong sentimiyento ng publiko laban sa mga POGO kasunod ng mga isyu na may kinalaman sa national security, tax evasion, at iba’t ibang social problems.
Ang kanyang panawagan ay umani na ng suporta ng mga pangunahing ahensya ng gobyerno kabilang ang Philippine National Police at National Intelligence Coordinating Agency gayundin ang economic team ng bansa.
“Ang aking adbokasiya ay sumasalamin sa isang mas malawak na pangako sa responsableng pamamahala at proteksyon ng mga interes ng mamamayang Pilipino,” ayon sa mambabatas.
Hinikayat din ng chairman ng Committee on Ways and Means ang lahat ng local government units na ipagbawal ang mga POGO.
Aniya, ang Valenzuela City at Pasig City ay ilan sa mga LGUs na nagbabawal sa mga POGO na mag-operate sa kani-kanilang lokalidad.
“Ang mga lokal na pamahalaan ay pwedeng mag-issue ng ordinance para i-ban ang POGO dahil magiging problema rin nila ang mga ‘yan. Pwedeng ma-corrupt ang mga alagad ng batas at ang mga constituents ay pwedeng maakit at mabiktima ng mga POGO,” sabi ni Gatchalian.
Sinabi rin ng senador na ang pagpapalabas ng executive order (EO) ang pinakamabilis na paraan para wakasan ang lahat ng operasyon ng POGO sa bansa.
“Dahil isa itong executive action, ang pagpapalabas ng isang executive order ang pinakamabilis na paraan para i-ban ang mga POGO dahil kahit na anong anggulo mo tignan, hindi natin pwedeng gawing justification para sila ay tuloy-tuloy na mag-operate,” pahayag pa nito.
