Solon sa DSWD: Tulong sa mga mahihirap at biktima ng krisis ibigay na

Ni NOEL ABUEL

Sa gitna ng umano’y maling paggamit ng mga programa ng gobyerno para itulak ang people’s initiative, nanawagan si Senador Christopher Bong Go sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyaking na magbibigay ang mga nakabinbing tulong para sa mga mahihirap at biktima ng krisis.

Sa isinagawang pagdinig kahapon ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na pinamumunuan ni Senador Imee Marcos, ipinahayag ni Go ang kanyang pagkadismaya hinggil sa pagkaantala sa pamamahagi ng tulong ng gobyerno para sa mga mahihirap at mga komunidad na apektado ng krisis sa gitna ng mga alegasyong ginawa na ang parehong mga programa ay ginagamit upang itulak ang People’s Initiative.

“Noong nakaraang mga hearings, lumalabas na nagamit diumano ang mga programa ng gobyerno kapalit ng pagpapapirma sa isinusulong na People’s Initiative. Mistulang nagagamit po ang mga programa ng gobyerno sa pulitika,” ani Go na tinukoy ang Assistance for Individuals in Crisis Situations program (AICS).

Nagbabala ang nasabing senador laban sa potensyal na pagsasamantala sa naturang mga programa ng gobyerno na naglalayong iangat ang buhay ng mga mahihirap para lamang isulong ang mga lihim na motibo ng ilang personalidad sa pamamagitan ng paggamit nito kapalit ng mga lagda para sa petisyon ng PI.

“Ang iba sa ating mga kababayan hindi alam ang pinirmahan nila at ang iba po’y tinatakpan nga po, ganito ang mga forms, pinapapirmahan sa kanila. At lumalabas rin po na may binibigay na coupon na katumbas umano ng ayuda kapalit ang pirma. At sino po ang magbabayad ng pinangakong ayuda? DSWD ba?,” pag-uusisa pa ni Go

Kinondena ni Go ang nasabing illegal na gawain sa pagsasabing wala dapat kapalit ang tulong mula gobyerno.

Dagdag pa nito, kung totoo ang mga naturang alegasyon, nakakalungkot na ang tulong na inilaan para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ay naaantala o nalilihis.

“Habang naglalabasan ang mga isyung ito, libu-libo namang mga benepisyaryo ang naghihintay ng ayuda mula sa departamento,” aniya.

Leave a comment