P400 wage hike isusulong ng Kamara

Rep. Janette Garin

Ni NOEL ABUEL

Naliliitan ang isang kongresista sa P100 across the board wage increase para sa mga pribadong empleyado na ipinasa na sa ikalawang pagbasa ng Senado.

Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na kung ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ang tatanungin ay mas malaki pa sa P100 ang isusulong nito.

Aniya, sa pakikipagdayalogo nito kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, naliliitan ito sa P100 wage hike kung saan kung maaari ay isulong ng Kamara ang P300-P400 wake hike.

“Ang direktiba ni Speaker Romualdez kung pwede ipatupad ‘yun at maliit talaga ‘yung P100 hindi kakayanin, kaya dapat malaki siya, ang discussion ay parang nasa P300-P400,” sabi ni Garin.

Ngunit aminado si Garin na dapat na pag-aralang mabuti ang P300-P400 wage hike dahil ang mga pribadong employers ang magbibigay nito at hindi naman ang gobyerno.

“Hindi naman ang gobyerno ang magpapasuweldo. Parang ano ‘yan manlilibre ka ng pagkain tapos, hindi naman ikaw ang magbabayad,” sabi ni Garin.

“’Yun ang medyo binabalanse natin kasi ang panukalang batas na ‘yan, pero ipapasa sa mga MSMEs. Ilang maliit na MSMEs ang magsasara? Ilan ang maliit na negosyante sa Pilipinas, nasa 99%,” dagdag nito.

Kung mangyayari aniya ito ay posibleng magbawas ng empleyado ang mga malilit na negosyante.

“Kasi pag itinaas natin ang suweldo dapat kaya ng ating mga negosyante, pero dahil sa 90-99% ay MSMEs, maliliit na negosyate, maganda ang intensyon nito pero ‘yung implementation is one good question kasi alam naman natin na ipapasa ito sa mga medium earners income. Hindi naman talaga ganun kalaki ang mga negosyante sa Pilipinas,” paliwanag pa ni Garin.

“’Yan nga ang dine-deliberate dito sa Kongreso. Maganda ang intensyon pero mababa ang P100.

Sa mahal ng bilihin ngayon, parang hindi ito sang-ayon sa pangangailangan ng taumbayan,” ayon pa sa kongresista.

Aniya pa, ang P350 wage hike ay matagal nang nakabinbin sa Kamara at sa katotohanan lang ang liderato ng Kongreso ay itinutulak ito para maipasa.

Leave a comment