
Ni NOEL ABUEL
Kinuwestiyon ng isang party-list congressman ang isyu ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa pagpaparehistro ng People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) sa sigaw ng mga tao na amiyendahan ang 1987 Constitution.
Binigyan-diin ni 1-RIDER party list Rep. Rodge Gutierrez, isang abogado at miyembro ng House minority bloc, ang tunay na pagpapatupad ng soberanya, tulad ng people’s initiative (PI), ay hindi nangangailangan ng mga regulatory certifications tulad ng inilalabas ng SEC.
“Just a personal opinion, PI is an exercise on sovereignty. It’s the will of the people,” sabi ni Gutierrez, sa pulong balitaan.
“So it will not necessarily require an SEC certificate. Hindi naman kailangan na meron tayong certificate to go around or so,” giit nito, na hinahamon ang paniwala na ang soberanya ay dapat patunayan sa pamamagitan ng mga regulatory channel.
“SEC certificates are therefore protection on business. But for you to go around and campaign for genuine change, karapatan po iyan ng tao,” argumento pa ni Gutierrez.
Ang pahayag ni Gutierrez ay bilang tugon sa testimonya ng isang SEC official sa Senado na pinawalang bisa na ang registration ng PIRMA noon pang 2004.
Magugunitang ang PIRMA, na pinamunuan ng negosyanteng si Noel Oñate, ang isa sa mga grupong nasa likod ng people’s initiative.
Sa pagdinig ng Senado, inihayag ng legal counsel ng PIRMA na si Alex Avisado na nasa proseso na sila ng pagsasaayos sa corporate registration ng PIRMA sa SEC.
Binanggit nito na kamakailan lamang ay nagsumite ito ng mga dokumento sa pamamagitan ng online portal ng SEC noong nakaraang buwan.
