
Ni NERIO AGUAS
Pinagbawalan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na makapasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Papua New Guinea national na nahatulan sa Australia dahil sa acts of pedophilia.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang hinarang na dayuhan na si Arthur Stuart, 23-anyos sa NAIA Terminal 1 noong Pebrero 9 nang dumating ito sakay ng Air New Guinea flight mula Port Moresby.
Sinabi ni Tansingco na tulad ng kaso ng iba pang alien pedophile na dati nang naharang sa airport, hindi kasama si Stuart alinsunod sa Sec. 29(a)3 ng Philippine Immigration Act na nagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhan na kinasuhan o nahatulan ng mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude.
Inilarawan din ng BI chief na ang presensya ni Stuart sa bansa ay nagdudulot ng malubhang panganib sa mga kababaihan at batang Pilipino.
Sa impormasyon na ibinigay ng BI-Interpol ay nagsiwalat na noong Marso 24, 2022, hinatulan ng korte sa Perth, Western Australia si Stuart para sa krimen ng sexual penetration ng isang batang mahigit 13 taong gulang at wala pang 16 taong gulang.
Ginawa umano ni Stuart ang pagkakasala sa pagitan ng Enero at Marso 2021 nang magsilang ang isang 14-anyos na babae kung saan kinumpirma ng DNA test na si Stuart ang ama ng bata.
Samantala, iniulat ng Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ng BI ang pagharang sa isa pang American pedophile sa NAIA Terminal 1 noong Lunes.
Ayon sa BCIU ang US national ay si Timothy James Foley, 64-anyos, na pinigilang makapasok sa Pilipinas makaraang dumating sakay ng Eva Air flight mula Taipei.
Base sa BI-Interpol unit, si Foley, ay isang registered sex offender (RSO), at nahatulan ng Kings County court sa California noong Agosto 14, 2018 dahil sa krimen na possession and control ng child pornography.
Sa kasalukuyan, sina Stuart at Foley ay pinasakay na at pinabalik sa kanilang port of origin at awtomatikong blacklisted at ban nang makapasok sa Pilipinas.
