
Ni NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ng isang kongresista sa House Committees on Transportation at Good Government and Public Accountability ang matagal nang suliranin ng lalawigan ng Cebu, ang pagsisikap ng trapiko.
Sa House Resolution No. 1592 na inihain ni Deputy Speaker at Cebu 5th District Representative Vincent Franco “Duke” D. Frasco, hiniling nito sa nasabing mga komite na hanapan ng solusyon ang tinagurian nitong never-ending traffic sa Metropolitan Cebu.
Sa nasabing resolusyon, sinabi ni Frasco ang kahalagahan ng sektor ng transportasyon sa pagpapabilis ng pag-unlad ng ekonomiya, lalo na sa mga highly-urbanized regions.
Nabatid na ang Metropolitan Cebu ay ang pangalawang pinakamabilis na lumalagong metropolitan sa bansa at nagkaroon ng mas makabuluhang papel sa industriya, komersyal, at pinansiyal na pag-unlad ng mga rehiyon ng Visayas at Mindanao.
Gayunpaman, kasabay ng lumalaking populasyon nito ay ang patuloy na paglala ng sitwasyon ng trapiko.
Sa pagbanggit sa naunang pag-aaral na isinagawa ng JICA noong 2018, ang hindi nareresolba na pagsisikip ng trapiko ay nagdulot ng tinatayang halaga ng hindi bababa sa P1.1 bilyon na pagkalugi sa ekonomiya bawat araw.
Ayon sa kongresista, saksi ito sa kalagayan ng mga kapwa nito Cebuano na labis na naapektuhan ng krisis sa trapiko at ang kapakanan at kaginhawahan ng mga commuters, ang kanilang oras na ginugugol sa paglalakbay, gayundin ang kanilang kalusugan at kaligtasan.
Sinabi ni Frasco ang pangangailangang pag-aralan ang kasalukuyang sitwasyon ng trapiko sa Metropolitan Cebu at muling bisitahin ang umiiral na mga patakaran sa transportasyon at pagpapaunlad at mga proyektong ipinapatupad dito upang tunay na malutas ang problema.
Umaasa ang mambabatas na ang isinusulong nitong pagsisikap na tugunan ang matagal nang isyu ng pagsisikip ng trapiko sa Metropolitan Cebu at paghahangad ng mas mataas na kalidad ng buhay para sa lahat, pagtataguyod ng kapakanan ng publiko, at pag-unlad ng ekonomiya.
