
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng suporta ang 30 mambabatas mula sa Metro Manila na kumakatawan sa 14 highly-urbanized cities at districts kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez laban sa walang basehan alegasyon ng mga senador kaugnay sa isinusulong na pag-amiyenda sa ilang restrictive economic provisions ng 1987 Constitution na layong manghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan.
“Let it be said, here and now, that we the undersigned Representatives from the National Capital Region denounce efforts to foment disunity in our nation! We call on all to respect each other’s positions and the voices of our citizens and their inalienable right to be heard,” ayon sa nagkakaisang pahayag ng mga mambabatas.
Sa tatlong pahinang “Statement of Solidarity,” pinagtibay ng mga mga kasapi ng Kamara de Representantes ang pagtataguyod sa karapatan na itinatadhana ng Saligang Batas, dahil ang tibay ng demokrasya ay nakasalalay sa “di-mababagong karapatan ng mga tao na iparinig ang kanilang tinig.
“Hearing the clamor of our constituents, we express our undaunted support for Speaker Romualdez who champions the efforts of the public for a lively discourse on the issues besetting the future of our Republic,” anila.
Pinuri rin ng administration legislators ang ipinakitang pagmamalasakit ng pinuno ng Kamara na nakikinig sa hinaing ng mga tsuper at operators, gayundin ang pagtiyak na naipapatupad at napapakinabangan ng mga senior citizens, solo parents at person with disabilities ang mga benepisyo at diskuwento na naakma para sa mga ito.
Binanggit pa ng mga mambabatas sa Metro Manila ang patuloy na pagsisikap ni Romualdez na tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga distrito, ang pagtataguyod ng pagkakapantay-pantay, tinig ng masa at tagapagtaguyod ng iisang layunin.
“We sign this unequivocally in support of the citizens we represent, in support of Speaker Romualdez who has been a Speaker for all and a Speaker of the Nation!” ayon pa sa nagkakaisang pahayag ng mga mambabatas.
Kabilang sa mga lumagda sa pahayag ng pagsuporta sina Caloocan City Reps. Oscar Malapitan, Mary Mitzi Cajayon-Uy at Dean Asistio; Romulo “Kid” Pena Jr. at Luis Campos Jr. ng first at second district ng Makati.
Kasama rin sina Navotas Rep. Toby Tiangco , Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II ng Mandaluyong, at Rep. Antonino Calixto ng lone district ng Pasay.
Lumagda rin sa pagsuporta sa liderato ni Romualdez ang ang anim na kongresista ng Maynila na sina Rep. Ernesto Dionisio Jr., Rep. Rolando Valeriano, Rep. Joel Chua, Edward Vera Perez Maceda, Rep. Irwin Tieng at Rep. Bienvenido Abante, na kumakatawan sa una hanggang ikaanim na distrito ng Maynila.
Gayundin ang anim na kinatawan mula sa Quezon City na sina Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde, Rep. Ralph Wendel Tulfo, Rep. Franz Pumaren, Rep. Marvin Rillo, Patrick Michael “PM” Vargas, at Rep. Ma. Victoria Co-Pilar – mula sa una hanggang ikaanim na distrito, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Lumagda rin pahayag ng pagsuporta na sina Rep. Ricardo Cruz Jr. at Amparo Maria Zamora ng una at ikalawang distrito ng Taguig-Pateros, gayundin ang kinatawan ng lone districts ng San Juan at Pasig – na sina Rep. Ysabel Maria Zamora at Rep. Roman Romulo.
Gayundin, kabilang sa mga lumagda bilang pagsuporta kay Romualdez sina Rep. Marjorie Anne Teodoro, at Stella Luz Quimbo mula sa una at ikalawang distrito ng Marikina; Rep. Edwin Olivarez at Gus Tambunting ng una at ikalawang distrito ng Parañaque City at Rep. Jaime Fresnedi ng Muntinlupa City.
