
Ni NERIO AGUAS
Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI) na ginagawa ng mga tauhan nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang lahat para mabigyan ng maayos na serbisyo ang lahat ng pasaherong dumarating at umaalis sa bansa.
Ito ang sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco bilang tugon sa lumabas sa social media post na X (datingTwitter) hinggil sa mahabang pila ng mga pasahero sa NAIA.
Nilinaw ni Tansingco na sa kabila ng mahabang pila, mabilis na naproseso ang mga pasahero at sa loob ng 40 minuto ay naubos na ang dami ng pasahero.
Nabatid na sa post, ng isang netizen, inireklamo nito ang mahabang pila noong umaga ng Pebrero 19 matapos lumapag ang sinakyan nitong eroplano sa NAIA Terminal 1.
Sinabi pa ni Tansingco na ang mahabang pila ay inaasahan dahil sa 8 flights na may dalang mahigit sa 1,800 pasahero ang dumating sa nasabing panahon.
“Our immigration officers had to process all these flights that arrived at the same time,” ayon sa BI chief.
Kabilang sa mga pasaherong darating sa bansa ay nanggaling sa Vancouver, San Francisco, at Los Angeles.
Idinagdag ni Tansingco na ang lahat ng mga BI counters ay binabantayan at lahat ng mga e-gate na na-deploy ay ganap na gumagana.
Sinabi ni Tansingco na mahigpit nitong sinusubaybayan ang mga operasyon ng paliparan, at ang mahabang pila ay naobserbahan sa paligid ng 0620H, ngunit ang arrival area ay malinaw sa 0700H.
Ibinahagi ni Tansingco na ang mga arrival at departure formalities para sa primary inspection ng mga dayuhang mamamayan sa NAIA at Mactan-Cebu International Airport ay ISO 9001:2015 certified, na nagpapatunay sa patuloy na pagsunod ng BI sa mga internasyonal na kinikilalang organisasyonal na mga kasanayan at ang mga pagsisikap nitong mabigyan ang mga kliyente nito ng kalidad na pagganap at mga serbisyo na globally competitive.
