Eddie Garcia bill pasado na sa Senado

Senador Jinggoy Estrada

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2505, o ang panukalang “Eddie Garcia,” na magbibigay proteksyon sa mga manggagawa sa pelikula at telebisyon mula sa hindi patas na pagtrato at magsisiguro ng maayos na kondisyon sa trabaho.

Sa botong 22-0-0, sinuportahan ng mga senador ang panukala para sa pagbibigay ng benepisyo sa mga manggagawa ng pelikulang Filipino.

“Ang panukalang ito ay pagtupad sa pangako ng Senado na itaguyod ang kapakanan ng mga manggagawa at pagkilala sa kanilang trabaho na kadalasan ay naiisantabi at nadadaig ng kasikatan ng mga pangunahing bituin. Utang natin ito sa kanila,” sabi ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada, may-akda ng SB No. 2505.

Bagama’t ang pagpanaw ng batikang aktor na si Eddie Garcia ang nagbunsod sa panukalang batas, sinabi ni Estrada na sinimulan ng ama, ang noo’y aktor pa at San Juan Mayor Joseph “Erap” Estrada, 50 taon na ang nakalilipas ang pagtutulak ng mapaayos ang kapakanan ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon sa pamamagitan ng pagtatatag ng Movie Workers Welfare Foundation (MOWELFUND).

Pangunahing layunin ng MOWELFUND na magbigay tulong pinansyal at medikal sa mga manggagawa sa industriya, lalong lalo na ang mga mahihirap.

“This measure is the Senate’s recognition of the immense talent, dedication, and contribution not just of Filipino artists, but also those behind the camera who put their heart and soul to come up with material for the movie and television industry. Sila ‘yung mga walang mukha, at madalas, sa end credits lang natin makikita ang kanilang mga pangalan at katungkulan,” sabi ng beteranong mambabatas.

Ang panukalang batas ay naglalaman ng mga probisyon para sa pagpapatupad ng oras ng trabaho, sahod at iba pang benepisyo na may kaugnayan sa sahod, social security, at mga benepisyo na tinitiyak na mapapangalagaan ang kapakanan, maayos na kondisyon at pamantayan sa trabaho pati na rin ang insurance coverage. Ang mga employer ay obligado ring magbigay ng mga kontrata sa trabaho.

Itinatakda rin ng panukalang batas ang pagtatatag ng Movie and TV Industry Tripartite Council na binubuo ng mga kinatawan mula sa gobyerno, mga employer, at mga manggagawa sa industriya ng pelikula at TV.

Leave a comment