Kamara handa nang arestuhin si Quiboloy

Ni NOEL ABUEL

Nakahanda na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipaaresto si Apollo Quiboloy sakaling piliin nitong balewalain ang subpoena na inilabas ng legislative chamber.

Ito ang binigyan-diin ni 1-RIDER party list Rep. Rodge Gutierrez, na nagbigay-liwanag sa kahandaan ng Kamara, partikular ng Committee on Legislative Franchises, na kumilos kung magpapatuloy si Quiboloy sa pag-iwas sa pagdinig ng komite.

“Kapag next hearing absent po ulit siya, I think ready po ‘yung committee to cite him in contempt and seek his subsequent arrest,” sabi ni Gutierrez.

Nabatid na inihahanda na rin ni Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting, chairman ng komite, ang pagbawi sa legislative franchise ng Sonshine Media Network International (SMNI), na pinaniniwalang pag-aari ni Quiboloy.

Naglabas na rin ng subpoena ang Senado laban kay Quiboloy, na nagsasagawa rin ng imbestigasyon.

Una nang inilabas ang subpoena laban kay Quiboloy na nag-aatas sa kanya na dumalo sa pagdinig ng komite na nakatakda sa Marso 12 matapos nitong balewalain ang hindi bababa sa tatlong imbitasyon.

Ang subpoena ay nilagdaan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Tambunting, at House Secretary General Reginald Velasco.

Binigyan-diin ni Gutierrez, ang may-akda ng SMNI franchise revocation bill, ang kahalagahan ng presensya ni Quiboloy upang bigyang linaw ang maraming paglabag na ginawa ng broadcast network, na kilala sa regular na pagpapalabas ng mga pangangaral ng naturang religious leader.

Dagdag pa nito, bagama’t may abogadong ipinadala ni Quiboloy ay hindi naman nito masasagot ang mga katanungan ng mga kongresista.

“As a lawyer, naiintindihan din namin ‘yung mga abogado ng SMNI. Kahit through hook or by crook talagang paninindigan nila ang stand nila kahit na mukhang palusot minsan. But as lawmakers, we demand answers,” sabi pa ni Gutierrez.

Sinegundahan naman ni PBA party list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles ang pahayag ni Gutierrez, sa pagsasabing karapatan ni Quiboloy na tugunan ang mga paratang laban sa kanya.

“It’s only right na dumating po sana si Pastor para masagot po niya ‘yung mga katanungan that is in relation to him and his own personal knowledge. Sana po dumating siya para itong mga tinitingnan natin sa prangkisa ay makapagsalita po siya,” apela ni Nograles.

Leave a comment