
Ni NOEL ABUEL
Namahagi ng tulong pinasyal si Senador Ramon Bong Revilla sa ilang mahihirap na residente ng Parañaque City.
Pinangunahan ng batikang senador ang pag-aabot ng tulong sa Brgy. Sta. Niño kung saan sinalubong ito nina Parañaque City Mayor Eric Olivarez at Rep. Edwin Olivarez.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nakapaghatid si Revilla ng tulong sa mahigit 3,500 na benepisyaryo.
“Binibigay lang po natin sa ating mga kababayan ang mga dapat naman talaga nilang natatanggap mula sa gobyerno. Nawa ay makatulong ito sa kanilang mga pang-arawang pangangailangan hanggang sa pag-unlad ng kanilang mga buhay,” ani Revilla
Kamakailan lang ay nagtungo rin ang mambabatas sa una, ikalawa, at ikatlong distrito ng Maynila para mamahagi rin ng tulong.
Noon namang nakaraang mga linggo ay sumugod si Revilla sa Davao upang sumaklolo sa mga biktima ng sakuna dulot ng malakas na pag-ulan at pagbaha.
“Hindi po tayo magsasawang puntahan mismo ang ating mga kababayan para mag-abot ng tulong. Tungkulin po natin ito at kahit kailan ay hindi natin tatalikuran,” pahayag ni Revilla.
