
Ni MJ SULLIVAN
Niyanig ng malakas na paglindol ang Ilocos region at kalapit lalawigan nito ngayong araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, dakong alas-12:16 ng madaling-araw nang maitala ang magnitude 4.2 sa layong 005 km hilagang kanluran ng Banayoyo, Ilocos Sur.
Mababaw lamang ito sa lalim na 003 km at tectonic ang origin.
Naitala ang intensity IV sa Banayoyo, lungsod ng Candon, Burgos, Gregorio del Pilar, Galimuyod, Lidlida, Quirino, Salcedo, San Emilio, San Esteban, Santiago, Santa Cruz, Santa Lucia, Santa Maria, at Suyo, Ilocos Sur.
Intensity III naman sa Narvacan, Tagudin, Cervantes, Sugpon, at Alilem, Ilocos Sur; Luba, Pilar, Villaviciosa, at San Isidro, Abra; Sudipen, Bangar, Santol, at Balaoan, sa La Union.
Sa instrumental intensities naman ay naitala ang intensity III sa lungsod ng Candon, Ilocos Sur at intensity II sa Narvacan, Ilocos Sur.
Wala namang naitalang danyos ang nasabing paglindol at wala ring inaasahang aftershocks sa mga susunod na araw.
Samantala, ganap namang alas-4:52 ng madaling-araw nang maitala ang magnitude 3.9 na lindol sa lalawigan ng Southern Leyte.
Nakita ang sentro ng lindol sa layong 005 km timog kanluran ng San Juan, Southern Leyte at may lalim na 002 km at tectonic ang origin.
Wala ring naitalang danyos at wala ring aftershocks na inaasahang manngyayari.
