
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagsuporta ang mga mambabatas sa pamahalaan sa magiging pagpapasya kung babalik at makikipagtulugan sa pagsisiyasat ng International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni PBA party-list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles na ang survey na isinagawa ng Octa Research Group mula Disyembre 10-14, 2023, na nagpapakita na 59% porsiyento ng mga sumagot ay sumusuporta sa pagbabalik ng bansa sa ICC, at 55% porsiyento ang naniniwala na kailangangang makipagtulungan ang Pilipinas sa pagsisiyasat ng ICC sa usapin ng drug war.
Ganito rin ang pahayag ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa sinabi Nograles, at idinagdag na dapat na tumugon ang pamahalaan sa mga data-driven studies.
Sa kanyang personal na pananaw, sinabi ni Adiong na kanilang igagalang ang pasya ng ehekutibo, kung babalik at makikipagtulungan sila sa ICC batay sa kasalukuyang sentimiyento ng publiko.
“This is ultimately an Executive decision for Malacañang to finally decide on,” ayon kay Adiong.
Sa kabilang dako, sinabi ni 1-Rider party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez na ang survey ay pagpapatunay lamang sa House Resolution 1477 na kanyang inihain noong nakaraang taon, kasama ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.
Hinihimok ng HR 1477 ang mga may kaugnayang kagawaran at ahensya sa Pilipinas na ganap na makipagtulungan sa pagsisiyasat ng ICC hinggil sa kampanyang “war on drugs” ng nakaraang administrasyon.
“On my part po, I’m not saying this is on behalf of the House, pero we welcome that development. It just vindicates po ang ating resolution. Ibig sabihin po mukhang majority po ng ating taong bayan ay with us on this effort,” aniya.
Bukod pa rito, sinabi ni Gutierrez na ang pakikipagtulungan sa ICC ay nangangahulugan ng wastong senyales sa mga dayuhang mamumuhunan, at umaasa ito, na pabor na magpapasya ang sangay ng ehekutibo sa kabila ng positibong resulta ng survey.
“As we mentioned, we’re part of the community of nations, hindi po tayo nag-iisa dito sa Pilipinas. We want to show them na we respect and uphold the rule of law, human rights,” dagdag pa nito.
