

Ni NERIO AGUAS
Matagumpay na naipatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang 43 Chinese nationals na kabilang sa mga naarestong illegal na nagtatrabaho sa bansa.
Ayon sa BI, ang nasabing mga Chinese nationals ay bahagi ng mahigit sa 100 foreign nationals na naaresto ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime (PAOCC) at ng Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center (WCPC) matapos maglabas ang Makati Regional Trial Court ng search warrant dahil sa paglabag sa RA 9208 at RA 10364 o ang Anti Trafficking in Persons Act sa kahabaan ng F.B. Harrison St. sa Pasay City.
Natuklasan ng PAOCC at PNP-WCPC na ang nasabing mga dayuhan ay nagtatrabaho sa isang establisiyimento na nagsasagawa ng human trafficking activities.
Sinabi ng BI na dahil dito, napatunayang lumabag ang mga dayuhan sa termino at kondisyon ng kanilang visa, at itinuring na banta sa interes ng publiko.
Nabatid na isinakay ang mga Chinese nationals sa Philippine Airlines flight patungong Shanghai sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na bilang resulta ng kanilang deportasyon, ang mga pangalan ng mga Chinese nationals ay isinama sa blacklist ng BI, at pinagbawalan na makapasok sa bansa.
“We are working closely with other government agencies to rid the country of such undesirable aliens who abuse our hospitality and stay here doing their illegal activities,” sabi ni Tansingco.
Hinikayat ni Tansingco ang mga concerned citizens na i-report ang mga ilegal na dayuhan na maaaring nagsasagawa ng mga bawal na aktibidad sa kanilang lugar.
