Parusang kulong sa pumatay kay Jullebee Ranara di pa sapat — Senador Tulfo

Ni NOEL ABUEL

Isang malaking konsolasyon ang pagsang-ayon ng Kuwait Apellate Court sa guilty verdict at sentensyang 16 taong pagkakakulong sa pumaslang sa OFW na si Jullebee Ranara sa Kuwait.

Ito ang pahayag ni Senador Raffy Tulfo hinggil sa ipinataw na parusa sa menor de edad na anak ng employers ng nasabing OFW.

Ngunit giit ng senador hindi dito nagtatapos ang laban para makamit ang hustisya para kay Jullebee.

Magugunitang si Ranara ay natagpuang wala nang buhay sa isang disyerto matapos iwanan ng nasabing akusado.

Ayon kay Tulfo dapat obligahing magbayad ng danyos ang pamilya ng akusadong si Turki Ayed Al-Azmi, kabilang ang actual at moral damages.

Sinabi ni Tulfo na dahil sa pangyayari, marapat pa ring manatili ang deployment ban sa Kuwait hanggat hindi nababayaran ang danyos na ito.

At sa usapin na ma-lift ang deployment ban, dapat aniyang alalahanin ng pamahalaan na ang pagkakaroon ng shelters para sa mga OFW sa Kuwait at pagkakaroon ng constant monitoring sa mga employers ay non-negotiable.

Paalala na rin aniya ito sa Department of Migrant Workers (DMW) na mas paigtingin pa ang monitoring at background checking sa lahat ng employers, lalo na sa Kuwait, sa oras na ma-lift na ang ban.

Kailangan umanong siguraduhin ng DMW na may liability ang foreign recruitment agency, at hindi lamang ang Philippine Recruitment Agency, sakaling magkaroon muli ng ganitong pangyayari sa ibang bansa na apektado ang OFW.

Leave a comment