Dayuhang magmamay-ari ng media, adukasyon makakabuti sa bansa – solon

Ni NOEL ABUEL

Inaasahan ang malaking benepisyo sa bansa ng liberalisasyon sa edukasyon at media na isinusulong ng Kamara at Senado sa pag-amiyenda sa Saligang Batas na inaasahang magbibigay ng magandang oportunidad sa mga makabagong kaalaman na ituturo sa mga dayuhang insitusyong pang-edukasyon para sa mga kabataang Pilipino kabilang na ang pagkakaroon ng mga trabaho sa pagpasok ng mga dayuhang media sa bansa.

Sa pulong balitaan sa Kamara, ibinahagi nina House Deputy Majority Leader at Tingog party-list Rep. Jude Acidre, at Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) Deputy Secretary General Dr. Romulo Emmanuel Miral Jr. ang kanilang mga pananaw sa mga epekto ng pagbabago sa economic charter, lalo na ang dayuhang pagmamay-ari ng edukasyon at media.

Ipinapanukala sa parehong Resolution of Both Houses (RBH) 7 na inihain ng Kamara at RBH 6 ng Senado, ang mga panukalang pag-amiyenda sa Articles XII, XIV at XVI, na nakatuon sa national patrimony, economy, education at general provisions 1987 Constitution.

Habang sa bahagi ng media foreign ownership, sinabi ni Miral na binura ng digitalisasyon ang territorial boundaries.

“Wala na talagang boundaries. Kaya sayang naman kung sa halip na nandidito yung headquarters nila, e nandudun sa ibang bansa,” aniya.

Sinabi pa nito na ang foreign media sa bansa ay magbibigay ng trabaho sa maraming Pilipino sa kanilang headquarters kapag ito ay itinayo sa bansa.

Sa pagpapahintulot naman ng foreign ownership ng mga educational institutions, sinabi ni Miral na sasakupin lamang nito ang tertiary o higher education.

Ayon dito, ang pagpapahintulot ng foreign educational institutions sa bansa ay magbibigay ng oportunidad sa maraming mag-aaral na Pilipino na matuto ng mga bagong kaalaman.

Ayon kay Acidre, ang pag-aaral sa ibayong dagat ay nagbibigay ng kinakailangang exposure sa mga mag-aaral na mag-practice at matuto ng mga bagong kaalaman.

“Kung pag-aaral lang ‘yan, pwede nang pag-aralan dito sa Pilipinas. It is really the exposure to practice and learn that we are trying to get. Now, not everybody will have that opportunity. Kaya nga gusto natin dalhin sa Pilipinas para ‘yung mga hindi naman maka-afford, walang panahon o pagkakataon makapag-aral abroad, ay magkaroon sila ng pagkakataon na makuha ang parehong exposure, parehong pag-aaral para hindi na sila mangibang bansa,” pahayag pa ni Acidre.

Leave a comment