Wanted na Indonesian naaresto ng BI

Ni NERIO AGUAS

Nadakip ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Indonesian na wanted sa bansa nito kaugnay ng kasong human trafficking.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang naarestong dayuhan na Aris Wahyudi a.k.a. Romeo, 43-anyos, na dinakip ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) sa kahabaan ng Salcedo Street, Legaspi Village, Makati City.

Nabatid na armado ng mission order, nagsagawa ng operasyon ang FSU base na rin sa hiling ng Indonesian government para sa ikadarakip ni Wahyudi at papanagutin sa kasong kinasasangkutan nito sa Jakarta, Indonesia.

Sa record, Wahyudi ay mayroong arrest warrant na inilabas ng Indonesian national police na may petsang Enero 18 hinggil sa kasong trafficking in persons at paglabag sa probisyon ng Indonesia’s Eradication of the Crime of Trafficking in Persons law na nagbibigay ng proteksyon sa mga migrant workers ng nasabing bansa.

Sinasabing si Wahyudi ang nag-o-operate ng human trafficking syndicate na illegal na nagre-recruit at nagpi-finance sa mga Indonesian nationals na para magtrabaho sa Cambodia nang walang kaukulang work permits.

Ayon kay Tansingco si Wahyudi ay kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig habang inihahanda ang pagpapatapon dito palabas ng bansa ng BI board of commissioners.

“As a foreigner accused of human trafficking, his presence here poses a serious risk to our poor countrymen who might also fall prey to his illegal scheme,” ayon sa BI chief.

Leave a comment