
Ni NERIO AGUAS
Dinakip ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division ang 16 na Indian nationals dahil sa pagtatrabaho sa lalawigan ng Iloilo at Antique nang walang kaukulang permit at dahil sa pagiging undocumented aliens.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang nasabing mga dayuhan ay inaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng BI intelligence division na nakabase sa Western Visayas noong nakalipas na Pebrero 22.
Sinabi ni Tansingco na naglabas ito ng mission orders na nagpapahintulot sa mga ahente ng BI na magsagawa ng operasyon kasunod ng mga ulat na natanggap ng kanyang tanggapan tungkol sa umano’y dumaraming presensya ng mga ilegal na Indian nationals sa Iloilo kung saan maraming residente ang sinasabing nabiktima ng 5-6 lending racket ng mga dayuhan.
Sinabi pa ng BI chief na ang nasabing operasyon ay hudyat ng pagsisimula ng pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa mga ilegal na dayuhan sa labas ng Metro Manilla.
“We are intensifying our crackdown against illegal aliens throughout the country, including those who live in the far-flung areas and make a living by engaging in illegal lending activities that prey on our poor countrymen,” ayon kay Tansingco.
Sinabi naman ni BI-Region 6 intelligence head Jude Hinolan, na 10 sa mga Indians ang nadakip sa bayan ng Arevalo at Savana, Iloilo habang ang anim na iba pa ay sa San Jose, Antique.
“Our investigation found that all of them were engaged in lending activities without the proper work permits while some of them are suspected of being illegal entrants for failure to present travel documents,” sabi ni Hinolan sa ipinadala nitong report kay BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr.
Ang nasabing 16 illegal aliens ay nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon sa mga ito palabas ng bansa.
