
Ni NOEL ABUEL
Binatikos ni Senador Chiz Escudero ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mistulang tumututol ito sa P100 na pagtaas sa pang-araw-araw na minimum na sahod ng mga empleyado sa pribadong sektor.
Pinaalalahanan ni Escudero na ang pangunahing trabaho ng DOLE ay alagaan ang kapakanan ng mga manggagawa, at huwag harangin ang anumang batas na naglalayong maubos ang kalagayan ng pamumuhay ng lakas ng paggawa.
Ipinagtataka ng senador kung bakit umaalma ang DOLE sa nasabing panukalang batas na gayung para naman ito sa benepisyo ng mga manggagawa.
Tugon ito ni Escudero sa babala ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang pagtaas ng sahod ay hahantong sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga batayang kalakal.
Sinabi pa ng senador na ang ginagawa ng DOLE ay trabaho ng Department of Trade and industry.
Ipinahayag din ng senador ang pag-asa na ang Kamara ay dapat na magpasa ng sarili nitong bersyon ng iminungkahing batas upang ang minimum wage earners sa pribadong sektor na matagal nang naghintay sa salary adjustment.
“Nagtiis na sa mahabang panahon ang ating mga mangagawa at ang aking hiling at panalangin, sana ay mabigyan din ng panahon at pagkakataon ito ng Kamara upang mabigyang-buhay. Pagdebatehan kung kinakailangan. Ang mahalaga, ito ay mapag-usapan at bigyan ng pag-asa na makapasa upang mabigyan ng pag-asa ang ating mga manggagawa,” sabi ni Escudero.
Sinabi pa ni Escudero na kung kailangang pagdebatehan at pagbotohan ng mga senador at kongresista ay gawin ito upang mabigyan ng pag-asa ang mga manggagawa.
