Gahaman

Subukan N’yo!!

Matinding sakit ng ulo ang dinaranas ngayon ng isang pamilya na may-ari ng 12 ektaryang coconut plantation sa Aurora dahil sa mistula silang pinagkaisahan ng mga mandurugas na gustong kamkamin ang kanilang naturang ari-arian.

Pinagloloko ang naturang pamilya nireng mga sakim na buwaya mula sa gobyerno at pribadong ahensya kaya nagsampa sila ng reklamo sa National Prosecution Service ng Department of Justice sa pag-aakalang makakamit nila ang tunay na hustisya sa ating justice system.

Pero alam n’yo ba, mga padrino ko, kung ano ang nangyari sa kanilang reklamo?

Ibinasura nireng hindoropot na prosecutong, este, prosecutors ang kanilang mga criminal complaints dahil sa ang mga sakim na gustong umangkin ng kanilang ari-arian ay may koneksyon daw sa isang grupo na mandaragit! Tsk, tsk, tsk!!

Bagaman hindi ko personal na kilala itong pamilya ay idinulog sa akin ang kanilang matinding problema ng isang kaibigan na nakakaalam sa kasalukuyang dinaranas nila sa kamay ng mga gahaman sa lupain. At sa P84 milyon na maaaring kasalukuyang halaga nito!

Sa aking pag-uusisa ay nalaman kong may kasabwat din pala ireng mga hinayupak na gahaman sa isang misteyosang tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Baler lalawigan ng Aurora.

Misteryosa kasi puro kababalaghan ang kanyang ginagawa sa ahensyang ito na tinaguriang No. 1 graft-ridden government agency..

Mula ngayon ay sinisiguro kong nakamasid ang grupo ng media practitioners sa mga kaso nireng pamilya para matiyak na ibabase ang pagresolba sa mga ito sa merito ng kaso.

Babantayan ng grupo ng media practitioners ang mga kaso ng pamilyang ito para matiyak na hindi maghaharing-uri ang salapi o koneksyon (palakasan) sa pagresolba ng mga kaso saan mang lupalop ng bansa!

Kaya magsilbi sana ire bilang babala sa NPS ng DOJ, BIR at sa iba pang mga ahensya ng gobyerno na ang grupo ng media practitioners ay nakamasid sa inyong mga responsibilidad sa bansa at mamamayan!

At para sa mga sakim na gustong umangkin sa 12 ektayang cocounut plantation ay bagsakan sana sila sa bumbunan ng libu-libong mga niyog hanggang mabaon sila nang tuluyan sa lupa!

Abangan!!!


Para makatulong sa development ng munisipalidad partikular na sa mga residente ng lugar ay nagpasiya ang pamilya na i-convert na ang kanilang 12-hectare na coconut plantation sa Aurora para gawin daw itong malawak na subdivision, ayon sa source.

Pero bagaman ang makatulong sa kanilang mga kababayan ang nasa
puso ng pamilyang ito ay pinag-aaralan nila itong mabuti dahil hindi na yata nila ito maaasikaso mula nang lumipat sila ng lugar.

Kaya ang rekomendasyon sa kanila ay ibenta ang kanilang ari-arian sa Aurora para sa ano mang itatayo roon na mapapakinabangan ng mga residente roon at ng lalawigan.

Bagaman ang kabutihan ng mga mamamayan ang inisip ng pamilyang ito ay mayroong mga sakim na humahadlang sa kanilang malinis at makataong layunin.

Mga gahaman na may masasamang pakay para sa napakalawak na ari-arian! Susmaryosep!!

Ipalamon sa patay-gutom na pating ang mga gahaman!!!


Ang Subukan N’yo! ay nakikiramay sa mga inulila ni Julieta Divinasflores-Monelar ng Bacoor City, Cavite at Talibong Cabucgayan, Biliran, na pumanaw kahapon, Pebrero 25, sa edad na 63-anyos, dahil sa sakit na cancer.

Pakikiramay sa pamilya lalo na sa mga kapatid na sina Worthy Grand Knight Alejandro Divinasflores, at Sir Knight Romy Divinasflores, ng Knights of Columbus Council No. 15957, Inay Maria ng Magnificat Parish, Camella Springville, Molino III, Bacoor City, Cavite.


Para sa komentaryo: dodorosario@yahoo.com

Leave a comment