
Ni NOEL ABUEL
Malugod na tinanggap ng mga pinuno ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagpahayag ng suporta sa pag-amiyenda sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.
“Natutuwa po ako sa pagbabago ng sentimiyento ng dating pangulo kaso lang mas magiging maganda po ito kung pati ang mga sumusuporta sa kanya ay sumalamin din sa posisyon ng dating pangulo,” sabi ni Deputy Speaker at 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez.
Inulit ni Suarez ang pare-parehong pagtutok ng mga pagsisikap ng Kamara sa mga probisyong pang-ekonomiya mula nang maipasa ang sarili nitong bersyon ng RBH 6 noong nakaraang taon.
“Ever since we passed RBH 6 last year it was just purely on economic provisions. We’ve been consistent with the position, the stand, from day one and up until now. Siguro makikita naman ninyo doon sa RBH 7 talagang mirror resolution po ito ng Senado, kaya doon po talaga iikot ang deliberasyon sa economic amendments lamang,” giit nito.
“That’s exactly what we’ve been saying from the beginning that we’re pushing for Charter change just to push for these economic amendments,” sabi naman ni Taguig 2nd District Rep. Amparo Maria Zamora.
Binigyan-diin din ni Zamora ang kahalagahan ng suporta ni Duterte para sa pagbabago sa economic Charter, at binanggit na naaayon ito sa mga layunin na itinataguyod ng mga nakaraang Kongreso at ng kasalukuyang ika-19 na Kongreso.
“So siguro po nakikita na ng ating well-respected former President Rodrigo Duterte ang linaw na ito naman talaga ‘yung matagal na pinu-push ng maraming administrasyon at siyempre ng 19th Congress,” dagdag pa nito.
Sa panig naman ni Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy, sinabi nitong ang pahayag ni Duterte ay isang “welcome development,” partikular na ito ay kasabay ng pagsisimula ng deliberasyon ng House Committee of the Whole sa RBH 7.
Ayon naman kay Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles, chairman ng House Committee on Labor, sang-ayon ito sa pagbabago ng paninindigan ni Duterte sa Charter.
“Natutuwa rin tayo at nakikiisa tayo sa mga pahayag ng ating dating pangulo sapagkat panahon na upang tingnan natin muli ang ating Saligang Batas, kung paano natin mapapalawak ang investments at maisusulong din natin ang kapakanan ng ating mga manggagawa,” pahayag ni Nograles.
