PBBM pinuri ni Sen. Revilla sa nilagdaang Expanded Senior Citizens Act

Ni NOEL ABUEL

Nagpasalamat si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. sa paglagda sa panukalang batas na magbibigay ng benepisyo sa mga Pinoy na octogenarian at nonagenarian, bukod sa centenarian na kasalukuyan nang nakakatanggap ng cash gift.

Sinabi ni Revilla na natutuwa ito at nilagdaan na ang Expanded Senior Citizens Act na mas kilala sa tawag na Revilla Law sa isang seremonya na isinagawa sa Palasyo ng Malakanyang.

Si Revilla ang principal author ng batas kung saan ang pondo para dito ay nasa P2.2 bilyon.

“Taos-puso ko pong pinapupurihan at pinasasalamatan ang ating Pangulong Bongbong Marcos sa pagsasabatas ng ating pangunahing panukala upang amiyendahan ang Centenarians Law. Ang matagal na nating ipinaglaban para sa ating mga lolo at lola ay tuluyan na nating napagtagumpayan!,” saad ni Revilla.

“This was my promise to the Filipino elders and I’m proud to say that I fulfilled it. Sa wakas ay makakasama na rin sa mga mabibigyan ng benepisyo yung iba pa sa kanila, hindi lamang yung mga aabot ng isang daan taong gulang,” dagdag pa nito.

Sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula taong 2022, aabot sa 194,000 ang kabuuang bilang ng mga senior citizens kasama na ang mahigit sa 103,348 na nasa 80-anyos habang ang 85-anyos ay tinatayang nasa 57,000 at 24,751 naman sa 90-anyos at 95-anyos ay nasa 6,209 at ang 100 taong gulang ay nasa 2,575.

Sa ilalim ng tinatawag na Revilla Law, ang mga matatandang Pilipino na sa aabot sa mga edad na 80, 85, 90 at 95 ay makakatanggap ng halagang P10,000 habang ang mga aabot naman sa edad na 100 ay patuloy na makakatanggap ng P100,000.

Ipinaliwanag ni Revilla ang hangarin ng bagong batas na ito na nagnanaiis mapaaga ang pagbibigay ng benepisyo sa mga lolo at lola.

“Layon po ng batas na ito na mapaaga ang pagbibigay natin ng benepisyo para sa ating mga lolo at lola. Hindi na nila kinakailangan pang umabot ng 100 taong gulang para lamang makatanggap ng cash gift galing sa ating pamahalaan. 80 pa lang, bibigyan na natin sila agad. Pagdating ng 85, 90, at 95, bibigyan ulit natin sila. At kung ipagkaloob ng Panginoon na sila ay umabot ng isang daang taon, bibigyan natin sila ng mas malaking halaga bilang pagkilala sa kanilang narating,” sabi pa ni Revilla.

Para maging mas epektibo ang pagpapatupad ng naturang batas, itinakda rin sa batas ang pagkakaroon ng Elderly Data Management System na pamamahalaan ng National Commission on Senior Citizens upang matiyak na ang mga kuwalipikadong mga benepisyaryo ay makakuha talaga ang cash gift na nararapat lang nilang matanggap.

“Kasama sa batas natin ang pagtatatag ng database para masiguro na wala tayong makakalimutan abutan ng benepisyo. With all the things our elders have done for our country, we should assure that they will receive all the honor and benefits they deserve,” paliwanag ni Revilla.

Nabatid na unang isinumite ni Revilla ang naturang panukala sa pagsisimula pa lamang ng 18th Congress noong 2019 ngunit ngayon lamang ito naging isang ganap na batas.

Sinigurado rin ni Revilla na patuloy nitong ipaglalaban ang kapakanan ng mga nakakatanda, at hindi iyon natatapos sa pagkakapasa ng bagong batas.

Sa katunayan, inihain din nito ang SBN 262 o “Abot-Kayang Gamot, Bitamina at Gatas para sa Malusog na Senior Citizen Act” na layong palawigin ang sakop ng diskwento para sa mga senior citizens para maisama na ang mga supplements, bitamina, herbal products, at formulated milk sa mga pwedeng patawan ng discount.

Bukod dito, inihain din ni Revilla ang SBN 1573 na naglalayong ibaba ang edad na saklaw sa “Expanded Senior Citizens Act” sa pamamagitan ng pagbababa mula 60 patungo sa 56 taong gulang.

“Hindi dito matatapos ang pagpupursigi natin para mas mabigyan pa ng pagpapahalaga, pagkilala, at pagmamahal ang ating mga lolo at lola. Marami pa tayong panukala na isusulong para maipasa. Simula pa lang ito ng bagong laban – laban para sa tuloy-tuloy na pag-angat ng kanilang kapakanan,” pagwawakas ni Revilla.

Leave a comment