Philippine Maritime Zones Bill pasado na sa Senado

Sen. Francis Tolentino

Ni NOEL ABUEL

Ipinasa na ng Senado sa huli at ikatlong pagbasa ang panukalang Philippine Maritime Zones Bill sa gitna na rin ng pag-angkin ng China sa buong West Philippine Sea (WPS).

Sa botong 23 o Nagkakaisa at walang tumutol sa Senate Bill (SB) No. 2492 na nagdedeklarang karapatan at pag-aari ng Pilipinas ang maritime zones ng WPS kabilang ang underwater features na naaayon sa UN Convention on the Law of the Sea at sa 2016 Arbitral Ruling.

Sa ilalim ng panukala, ang sovereign rights at hurisdiksyon ng Pilipinas sa Exclusive Economic Zone nito sa West Philippine Sea ay itinatampok kasama ng Benham Rise na kilala ngayon bilang “Talampas ng Pilipinas”.

Sinabi ni Senador Francis Tolentino, ang sponsor ng panukala, nagpasalamat ito sa mga kapwa nito senador sa suporta at itinuturing itong malaking kasaysayan para sa Pilipinas.

“Kahit ano pong mangyari ngayon sa Bajo de Masinloc. Kahit ano pong mangyari ngayon sa karagatan ng West Philippine Sea. Kahit ano pong mangyari ngayon sa Benham Rise, nakatatak na po sa kasaysayan ang Philippine Maritime Zones Law na magiging bantayog ng ating kalayaan,” sa pahayag ni Tolentino.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Tolentino na sakaling maging batas ang panukala, ang lahat ng sakop ng Pilipinas sa WPS kabilang ang mga lugar na inangkin ng China ay idedeklarang pag-aari ng bansa.

Sa pagboto para sa iminungkahing panukala, sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang nasabing panukala ay magpapatibay sa mga karapatan bilang isang archipelagic state at magiging bahagi ng legal, political, at diplomatic strategies ng Pilipinas sa pagpapatupad ng rule of law.

“Binibigyan-diin po at ngipin ng panukalang batas na ito ang integridad ng ating teritoryo na kinikilala ng United Nations Convention on the Law of the Sea at makasaysayang tagumpay dito sa Permanent Court of Arbitration sa Hague none 2016,” sabi ni Villanueva.

Nakapaloob din sa panukala na mapoprotektahan ang mga mangingisdang Pinoy sa malawak na yaman ng West Philippine Sea gayundin ang mga hindi pa nagagamit na mapagkukunan ng enerhiya sa lugar.

“Within the maritime zones law, we can forge more alliances with other countries, under a rules-based international order in compliance with UNCLOS,” sabi pa ni Tolentino, na nagsabing ang panukalang batas ay “30 years in the making”.

“Kahit ano pong mangayari ngayon sa Bajo de Masinloc, kahit ano pong mangyari ngayon sa karagatan ng West Philippine Sea, kahit ano po ang mangyari ngayon sa Benham Rise, nakatatak na po sa kasaysayan ang Philippine Maritime Zones Law na magiging bantayog ng ating Kalayaan,” dagdag pa ni Tolentino.

Leave a comment