Sen. Padilla, humingi ng paumanhin sa Senado sa IV Drip issue

Ni NOEL ABUEL

Humingi ng paumanhin si Senador Robinhood “Robin” C. Padilla sa opisyal ng Senado kaugnay sa nangyari noong nakaraang linggo sa kanyang tanggapan na kinabibilangan ng kanyang maybahay na si Mariel T. Padilla.

Sa kanyang liham na ipinadala ni Padilla kay Dr. Renato DG Sison, direktor ng Medical and Dental Bureau; at kay (Ret) Lt. Gen. Roberto T. Ancan, sergeant-at-arms ng Senado.

“Kailanman po ay hindi ko naisip na ipagwalang-bahala ang mga umiiral na alituntunin ukol sa seguridad ng Senado, lalo’t higit ang hindi pagbibigay-galang sa ating institusyon,” ani Padilla sa kanyang liham kay Ancan.

“Nais ko pong bigyan ng diin na wala pong intensyon ang aking maybahay na ipagwalang-bahala ang mga umiiral na patakaran ng Medical Bureau,” ayon sa mambabatas, sa liham naman niya kay Sison.

“Makakaasa po kayo na hindi na mauuulit ang ganitong uri ng pangyayari,” idiniin ni Padilla kay Ancan at Sison.

Nitong Linggo, humingi rin ng paumanhin si Gng. Padilla sa publiko at sa Senado sa nangyaring pag-IV drip sa tanggapan ni Sen. Padilla.

Nilinaw rin nito na Vitamin C at hindi glutathione ang drip.

Leave a comment