
Ni NERIO AGUAS
Isang wanted na Vanuatu national ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nagtangkang lumabas ng bansa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang dayuhang pugante na si Liu Jiangtao, 42-anyos, na pinaghahanap ng mga awtoridad sa China para sa sunud-sunod na krimen na may kinalaman sa economic crimes.
Sa ulat kay Tansingco ng border control at intelligence division si Liu ay naharang ng mga immigration officers sa NAIA Terminal 3 noong Pebrero 21 bago makasakay sa kanyang flight sa Cebu Pacific papuntang Singapore.
Sinabi ng BCIU na nang dumaan sa immigration inspection si Liu para sa departure clearance ay lumabas na kasama ito sa BI watchlist orders ng mga dayuhang may kaso.
“Further verification made by the immigration supervisors on duty confirmed that the passenger and the person who is subject of the watchlist are one and the same, thus we arrested him and brought him to our detention facility in Taguig City,” sabi ni BCIU overall deputy chief Joseph Cueto.
Sa records, si Liu ay isa sa 11 Chinese nationals na hiniling ng Chinese government na ipa-deport dahil sa pagiging wanted sa kanilang bansa.
Nahaharap ang mga ito sa iba’t ibang kaso kabilang ang fraud, infringement of credit card management, capital embezzlement, money laundering, at counterfeiting a registered trademark.
Nagsampa na rin ng deportation cases ang BI prosecutors laban sa 11 aliens na kinasuhan dahil sa pagiging undesirable aliens.
“We will expedite the proceedings against him so that he can be deported to face and answer the charges against him,” sabi ni Tansingco.
