Wage hike kailangang repasuhin — solon

Ni NOEL ABUEL

Ipinaliwanag ng mga mambabatas ang pangangailangan para sa isang ganap at maingat na mga deliberasyon sa panukalang may kaugnayan sa wage hike na inihain sa Kamara de Representantes upang matiyak ang makatarungan at patas na mga regulasyon na binibigyang halaga ang interes ng lahat, kabilang ang paglago ng ekonomiya ng bansa.

Ayon kay House Committee on Labor and Employment chairperson at Rizal Rep. Juan Fidel Felipe Nograles, itinakda ang diskusyon sa dalawang mahahalagang bahagi ng panukalang wage hike sa araw ng Miyerkules.

Ito ay ang mga panukala na humihiling ng P150 hanggang P350 wage hike increases, gayundin ang panukala na naglalayong isa-institusyon ang P750 across-the-board increase sa antas ng sahod ng mga kawani at manggagawa sa pribadong sektor.

Sinabi ni Nograles na itinakda rin ang pagrebisa sa mga panukala na naglalayong amiyendahan ang Articles 121 hanggang 127 ng Labor Code of the Philippines.

Idinagdag nito na hindi naman ito nababahala sa kabila ng panawagan ng Senado sa Kamara, na aksyunan ang mga panukala sa wage hike.

Nabatid na inatasan ang nasabing komite ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na magsagawa ng komprehensibong pag-aaral sa mga panukalang wage hike, kabilang ang mga epekto ng inflation sa bawat panukala.

Bukod sa inflationary effect ng mga panukalang wage hike, inisa-isa ni Nograles ang iba pang usapin na dapat tingnan tulad ng: 1) wage distortion; 2) wage increases na maaaring ipasa sa mga konsyumer, na partikular na makakaapekto sa micro, small and medium enterprises (MSMEs); at 3) retrenchment, na maaari ring makasakit sa ekonomiya.

“‘Yung wage hike (proposal) ho kasi masalimuot ho ito na paksa sapagkat may supply and demand. Nandiyan ho iyong ekonomiya, nandiyan ho iyong inflation. Kaya kinakailangan ho nating pag-aralan at pakinggan ng maigi ‘yung lahat ng mga panig na maaapektuhan ng wage increase,” aniya.

Sumang-ayon rito si Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez, at sinabing matagal nang usapin ang hinggil sa wage hike, at tiniyak nito sa sambayanan na maingat na pag-aaralan ng Kamara ang mga mahahalagang implikasyon ng mga panukala sa iba’t ibang mga nagsusulong, kabilang na ang mga konsyumer, mga negosyo at ang ekonomiya.

Leave a comment