
Ni NERIO AGUAS
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang US nationals na pawang nahatulang makulong sa kasong sex crimes sa kanilang bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na isa sa dayuhan ay naharang sa Clark International Airport (CIA) sa Angeles City noong Pebrero 21 at ang isa ay hindi pinapasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City noong nakaraang Pebrero 26.
Nakilala ang mga dayuhan na si Peter Joseph Cahill, 60-anyos, na dumating sa CIA sakay ng Eva Air flight mula Taipei at si Ryan Lindley, 30-anyos, na bumaba sa NAIA Terminal 3 sa pamamagitan ng United Airlines flight mula Guam.
Sinabi ni Tansingco na ang nasabing mga dayuhan ay agad na isinakay sa mga sumunod na flight patungo sa kanilang pinanggalingan.
“They were also banned from entering the Philippines as a consequence of their inclusion in our immigration blacklist of undesirable aliens,” aniya.
Ipinaliwanag ng BI chief na ang pagiging registered sex offenders (RSO) na hinatulan ng mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude, sina Cahill at Lindley ay hindi pinapayagang makapasok sa bansa sa ilalim ng Philippine Immigration Act.
Ayon sa BI’s border control and intelligence unit (BCIU), hinatulan ng US court si Cahill noong 2015 sa kasong possessing and controlling obscene material depicting a minor in sexual conduct.
Sa kabilang banda, si Lindley ay nahatulan sa Louisiana, USA noong Nobyembre 6, 2021 kaugnay ng dalawang counts ng indecent behavior sa isang 15-anyos na dalagita.
