
Ni NOEL ABUEL
Walang nakikitang problema ang mga miyembro ng Kamara para sa plebisito para sa panukalang pag-amiyenda sa 1987 Constitution na gaganapin kasabay ng 2025 midterm elections.
Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni House Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II na ang posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagdaraos ng plebisito kasabay ng midterm elections ay praktikal at matipid.
“There’s no problem with that. In fact that’s very practical and very economical considering that isasabay mo lang sa election next year. At considering that, ‘yung PCOS machine, maglalagay ka lang naman du’n (in the official ballot) ng portion na yes or no,” sabi ni Gonzales.
Si Gonzales ay nagsisilbing floor leader ng committee of the whole sa mga deliberasyon sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, na naglalayong ipasok ang mga pagbabago sa Articles XII, XIV at XVI ng Konstitusyon.
Idinagdag nito na ang Kamara ay naglalayong mapanatili ang timeframe nito upang maipasa ang RBH 7 sa ikatlong pagbasa bago ang bakasyon o Lenten break, at ang proseso ay nakahanay sa mga tiyak na kinakailangan sa proseso.
“Under our rules, we are supposed to process this in a nature of a bill. That has to go through first, second, third reading, and ipapadala ito sa Senate,” paliwanag ni Gonzales.
Aniya, hihintayin din ng Kamara ang Senado na counterpart ng RBH 7.
Ang mga mambabatas na kasama ni Gonzales sa press briefing ay nagpahayag na ang panukalang pagsasagawa ng plebisito sa panahon ng halalan ay kailangang pag-aralan pa, bagama’t sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na tinatanggap din nito ang posibilidad ng pagsasagawa ng plebisito sa susunod na taon.
Sinabi ni Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario na tutuklasin ng Kamara ang lahat ng posibilidad, kung isasaalang-alang na ang usapin ay may kinalaman sa Konstitusyon.
“We need to look into all the avenues and all the possibilities and what the law provides that we can do or cannot do,” sabi ni Almario.
Sinabi naman ni Anakalusugan party-list Rep. Ray Reyes na sapat na ang magagamit na oras upang masusing suriin ang lahat ng legal na aspeto ng pagsasagawa ng plebisito sa panahon ng halalan upang makagawa ng matalinong desisyon.
Wala ring nakikitang problema si South Cotabato Rep. Peter Miguel kung ang plebisito ay isasagawa nang hiwalay mula sa 2025 midterm elections, na nakikita ang mga potensyal na benepisyo na maaaring makuha mula sa pag-apruba ng mga iminungkahing amendment na higit pa sa gastos para sa isang hiwalay na plebisito.
“Maliit po ‘yong gagastusin for the sake of a monumental development… Iyon po ang take ko. Kung hindi pwedeng sabay, so be it. Gawin natin ng hiwalay,” ayon pa kay Miguel.
