
Ni NOEL ABUEL
Siniguro ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia sa publiko na handa ang Comelec na mangasiwa ng plebesito para sa Charter change ng ekonomiya, magkasabay man o hiwalay sa 2025 midterm elections.
Inihayag ito ni Garcia sa kanyang pagbisita sa Kamara, kung saan ay idinaraos ang Register Anywhere Program (RAP) ng Comelec.
Nabatid na may itinakda pang pagparehistro ang Comelec sa ika-21 ng Marso sa Kamara, mula ala-1:00 hanggang alas-4:00 ng hapon.

“Kami po naman kung anong ipag-uutos talaga. ‘Yun ang katotohanan. Kung anong sabihin ng Kongreso at mapagkasunduan ng Senate at House na dapat isabay ang plebiscite at midterm elections ay handang handa po ang Comelec. ‘Yun po, walang gastos na dagdag ‘yun. Sapagkat pahahabain lang ng konti ‘yung balota. Kaya lang ang sabi din po natin magandang mapag-aralan din sapagkat maganda rin na doon lang naka-focus itong mga kababayan natin sa issue ng pagbabago sa Saligang Batas. Saligang Batas kasi ‘yan eh di naman ordinaryong batas din ‘yan. Therefore, nandu’n din ang legal issue na huwag isabay. Basta kami handang handa po ang inyong Komisyon whether separate siya o isabay, handa po kaming isagawa ang plebisito,” paliwanag ni Garcia.
Tumanggi naman si Garcia magbigay ng komento hinggil sa Charter change para sa ekonomiya na isinusulong ng Kamara na Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 at RBH No. 6 ng Senado, at sinabing ang usapin ay kanyang ipinapaubaya sa diskresyon at karunungan ng Kongreso, lalo na sa mga mambabatas na siyang may mandato at kapangyarihan na maamiyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng constituent assembly.
“Maaari pong meron akong personal opinion pero hindi po ako makapagbibigay dahil pulitikal po masyado ‘yan and it is best left to the discretion and wisdom of our Congress lalung-lalo na sila naman po ang pinagkalooban sa ilalim ng Saligang Batas natin ng kapangyarihan ng pagbabago kasama na rin ang Constitutional Convention at kasama na rin po ang People’s Initiative,” ani Garcia.
Pinasalamatan nito ang Kamara sa suporta sa RAP, na naglaan pa ng malaking lugar para sa rehistrasyon sa Belmonte Hall.
“Kaya minarapat naming sa Congress dalhin talaga ang Register Anywhere and late registration, alam natin napakarami ng mga kababayan natin na nandito lalung-lalo na staff ng mga congressmen and so excited kami na nakita naming ang laki pala ng ini-allot mismo ng House na space para dito sa ating registration,” aniya pa.
Sinasabing umabot sa 750,000 ang nakapagparehistro sa RAP simula noong ika-12 ng Pebrero hanggang ngayong araw.
“Nakakatuwa po, napakainit ng pagtanggap ng mga kababayan natin dito sa registration na ginagawa natin, at sabi nga nu’ng unang araw, ang inyong lingkod pumunta sa PAG-ASA Island at sa mga susunod na araw pupuntahan natin ang Camp Garapanan, Camp Abubakar, ‘yun ang mga areas natin na talaga naman di mo halos napupuntahan pero ito po ipapakita natin na kahit saang parte ng Pilipinas pwede kang magparehistro dahil isang Pilipino, isang boto, isang registration,” ayon sa kanya.
Sinabi pa ni Garcia na maaari ring magparehistro ang mga nagtatrabaho sa palibot ng Batasan Complex tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.
“Sinasabi po mismo ng House leadership, pwede silang magparehistro dito, pwede nilang samantalahin dito, walang pila, maaliwalas, malamig at siyempre po mabilis ang proseso,” ani Garcia.
Si Garcia ay sinamahan sa Kamara ni Comelec director for the National Capital Region Jubil Surmieda para sa pagmomonitor ng RAP.
