
Ni NOEL ABUEL
Sang-ayon si Senador JV Ejercito sa desisyon ng Metro Manila Council (MMC) na ipagbawal ang pagdaan ng mga electric bikes at tricycle sa mga national roads sa buong bansa dahil sa pangambang maaksidente ang mga ito.
Sa Kapihan sa Senado forum, sinabi ni Ejercito, na kilala ring motorcycle rider enthusiast at cyclist, para na rin sa kaligtasan ng mga nagmamaneho at mga sakay ng e-bikes ang inaalala nito kung kaya’t dapat lang na pagbawalan ang mga ito sa mga pangunahing lansangan.
Una nito, base sa datos na inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), noong nakaraang taon ay nakapagtala ng 554 road crashes na kinasasangkutan ng mga e-vehicles sa National Capital Region (NCR).
“Minsan, natatakot ako for them. Syempre, nalulungkot ako. Transportation ito para sa mahihirap. Minsan, ginagamit panghatid ng kalakal. Kaya lang, minsan, natatakot talaga ako kapag nakikita ko, mga nanay, mga lola ginagamit panghatid sa mga bata,” ayon pa kay Ejercito na vice chairman ng Senate Committee on Public Services.
“E ‘yung e-trike, itong mga China-made na ito, ang gagaan po nito. Talagang kahit motor lang, kalaban nito. Tricycle makabangga, delikado. So, I think, for national roads ay tingin ko, talagang dapat hindi po nandu’n. More for safety kasi. Ano? Aantayin pa ba natin na may mamatay?,” dagdag pa ng senador.
Sa inilabas na resolusyon ng MMC, tuluyan nang iba-ban ang e-bikes at e-trikes mula sa mga national roads na nasa hurisdiksyon ng MMDA at kasama rin dito ang multang P2,500 sa sinumang lalabag dito.
Sinabi pa ni Ejercito na maliban sa Metro Manila, dapat ding ipatupad ang pag-ban ang e-trikes at e-bikes sa mga probinsya dahil sa karamihan ay mga highway kung saan mabibilis ang mga sasakyang dumadaan dito.
Aniya, dapat ay sa mga local roads, barangay at municipal roads lamang dumadaan at tumatakbo ang mga e-bikes upang maging ligtas ang mga ito na mahagip o mabangga ng malalaking sasakyan.
Ilan sa inisyal na tinukoy ng MMDA na bawal ang mga e-bikes and e-trikes ang mga sumusunod;
-Recto Avenue
-Quirino Avenue
-Araneta Avenue
-Epifanio delos Santos Avenue (EDSA)
-Katipunan/CP Garcia
-Southeast Metro Manila Expressway
-Roxas Boulevard
-Taft Avenue
-South Luzon Expressway
-Shaw Boulevard
-Ortigas Avenue
-Magsaysay Boulevard/Aurora Boulevard
-Quezon Avenue/Commonwealth Avenue
-Bonifacio Avenue
-Rizal Avenue
-Delpan/Marcos Highway/McArthur Highway
-Elliptical Road
-Mindanao Avenue
-Marcos Highway
