Bagong on ramp sa NAIA Expressway bukas na sa motorista

Ni NERIO AGUAS

Opisyal nang binuksan ang karagdagang on-ramp sa Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAx) sa Tramo Boulevard, Pasay City na madadaanan ng mga motorista na manggagaling sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) patungo sa NAIA.

Pinasinayaan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan at San Miguel Corporation (SMC) President Ramon S. Ang noong Biyernes, Marso 1, 2024, ang Tramo Ramp na idinisenyo upang ikonekta ang EDSA-Tramo Boulevard sa NAIAx.

Kasama rin sa nagpasinaya sina DPWH Undersecretary for Planning and Public-Private Partnership Services (PPPS) Maria Catalina E. Cabral; Skyway O&M Corporation President and Chief Executive Officer Rafael C. Yabut; SMC Infrastructure Head of Technical Engineer Norberto E. Conti; SMC Infrastructure Tollway Operations Head Grenalene Argota; DPWH-PPPS OIC-Director Pelita V. Galvez; DPWH-PPPS-Project Implementation and Supervision Division Chief David G. Galang; and, DPWH-PPPS-Project Operation and Maintenance Management Division OIC-Chief Glenn S. Degal.

Ang bagong on-ramp structure ay elevated 800-meter, two (2)-lane entry point sa NAIAx na tinayo upang mapahusay ang pagdating ng NAIA Terminals 1 at 2 para sa mga sasakyan na nagmumula sa EDSA southbound.

Nagpasalamat si Bonoan kay SMC president Ang sa tulong para sa pagpapabuti ng kondisyon ng trapiko sa Metro Manila.

Ayon pa kay Bonoan, ang pagkumpleto ng karagdagang ramp ay makatutulong para mapabilis ang a paglalakbay sa Naia-Skyway loop sa pamamagitan ng NAIX dahil ito ay kinuha lamang ng dalawa (2) hanggang tatlong (3) taon para sa masolusyunan ang sobra-sobrang dami ng mga sasakyan.

Nabatid na ininspeksyon nina Bonoan at Ang ang ilang bahagi ng NAIAx Tramo Ramp habang tinalakay rin ang mga proyekto at mga plano sa hinaharap para sa buong 12.65-kilometrong kahabaan ng NAIAx pati na rin ang iba pang mga road connectivity projects sa Northern Luzon.

Sinabi naman ni Ang na nais nitong magtayo ng isa pang NAIAx off-ramp upang pabilisan ang daloy ng trapiko sa NAIA Terminal 3 pati na rin ang posibleng probisyon ng tatlong (3) higit pang mga expressway lanes papunta at mula sa parehong terminal, at ang pagpapalawak ng lane ng NAIAx mula sa kasalukuyang limang (5) lanes hanggang anim (6) na lanes.

Leave a comment