
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagkabahala ang isang kongresista sa mga ulat sa mga diumano’y insidente ng surot at daga na nagdudulot ng pangamba at hindi komportableng karanasan para sa mga pasahero sa paliparan.
“Ako po ay nababahala sa umiiral na kalagayan sa Ninoy Aquino International Airport Terminals 2 at 3, lalo na sa mga ulat tungkol sa mga ulat ng mga insekto,” sabi ni OFW party list Rep. Marissa”Del Mar” Magsino.
Aniya, hindi pa man nasosolusyunan ang patuloy na problema sa congestion sa loob ng paliparan at ang mabagal na daloy ng trapiko sa paligid nito ay may bago na namang problema sa NAIA.
“Ang mga isyung ito ay hindi lamang nagdudulot ng abala sa ating mga kababayan, kundi pati na rin sa imahe ng ating bansa sa pandaigdigang komunidad,” sabi ni Magsino.
“Batid natin na ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA) ay nagsasagawa na ng komprehensibong inspeksyon sa kaangkupan ng pasilidad at sanitasyon sa paliparan, subalit nais din natin imungkahi sa ating mga ahensya ang pagsasagawa ng malalim na pag-aaral kung ano ang contributing factors sa matinding congestion at delay sa loob ng airport, lalo ang pila sa immigration at maging sa halos hindi gumagalaw na trapiko paikot sa NAIA 3. Hindi ba’t pabalik-balik ang problemang ito? Bakit wala pa ring pangmatagalang solusyon?,” tanong pa ng mambabatas.
Paliwanag pa ni Magsino na ang mga paliparan sa buong bansa ay hindi lamang gateway sa tourist industry kundi ang nararansanan ng mga pasahero sa NAIA.
“Ang ating mga paliparan ay hindi lamang gateway sa ating tourism industry kung hindi pati ng ating labor migration. Ang pagkaantala sa proseso sa departure ng ating mga OFWs ay naglalagay ng kanilang kabuhayan sa alanganin dahil sa posibleng missed flights na magreresulta sa hindi pagtupad sa kanilang deployment schedules o return-to-work orders,” giit pa ni Magsino.
