
Ni NOEL ABUEL
Umaasa si Senador Sherwin Gatchalian na ang joint task force ng Energy Regulatory Commission (ERC) at Philippine Competition Commission (PCC) na nilikha upang imbestigahan ang mga alegasyon ng anti-competitive practices sa power sector, ay epektibong makatutugon sa mga isyung bumabalot sa sektor at poprotekta sa interes ng mga konsyumer.
“I am confident that the task force would work to resolve anti-competitive issues relating to the industry. I am hoping that the collaboration itself would be a deterrent of anti-competitive practices and in the process, help establish market dynamics that would protect the interest of our consumers,” sabi ni Gatchalian.
Dagdag pa ng vice chairperson ng Senate Committee on Energy na ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), na pinagtibay noong 2001, ang nagre-regulate ng kompetisyon sa industriya ng kuryente, nagbabawal sa sinuman sa industriya na pumasok sa anumang anti-competitive practice, ngunit hindi limitado sa, cross-subsidization, presyo, o pagmamanipula sa merkado, at pagpataw ng mga limitasyon sa pagmamay-ari at kontrol ng mga kaugnay na kumpanya, na mayroong generating capacity.
Pero kahit na ang ERC ay umaming nahihirapan ito sa pagtugon sa mga anti-competitive issue sa industriya tulad ng mga kinasasangkutan ng mga industry players na nakikipagkalakalan ng kanilang generated capacity sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
“May dahilan kung bakit nariyan ang mga polisiyang nagsusulong ng kompetisyon sa merkado at iyun ay upang maiwasan ang anumang paglabag sa regulasyon ng patas na kompetisyon na kadalasang nauuwi sa mataas na presyo ng kuryente at karagdagang gastos para sa mga market players,” sabi ni Gatchalian.
“Inaasahan natin na ang pagtutulungan ng ERC at PCC ay magpapalakas sa kakayahan ng gobyerno na suriin ang mga kahinahinalang gawain sa industriya at ibayong maipatupad ang mga polisiya hinggil sa patas na kompetisyon para sa pakinabang ng mga konsyumer,” dagdag pa nito.
