
SUBUKAN N’YO!!!
Pumapalag ang Philippine Amalgamated Supermarkets Association, Inc. (PAGASA), sa P125 a week na diskuwento ng senior citizens at persons with disability (PWDs) sa kanilang pamimili sa groceries at supermarkets.
Inaprubahan kamakailan lamang ng Department of Trade and Industry (DTI) ang naturang karagdagang benepisyo.
Nagbanta ireng si Steven Cua, ang presidente ng PAGASA, na tataas ang bilihin sa kanilang hanay kapag ito ay ipinatupad at maaapektuhan hindi lamang ang mga senior citizens at PWDs kundi ang lahat ng mamamayan sa bansa. Susmaryosep!
Malinaw para sa akin, mga padrino ko, na ang mahalaga dine sa PAGASA ay ang kanilang tutubuin sa kanilang mga paninda.
Tanging kikitain o profit ang kanilang kailangan sa mamamayan kung kaya’t kanilang kinokontra ang kagustuhan ng gobyerno para sa senior citizens at PWDs na naapektuhan din ng pagtaas ng mga bilihin. Tsk, tsk, tsk!
Ang nararapat dito sa PAGASA ay PAsaGASA sa pison!!!
***
Sa 10 pinakamayayamang Pilipino ay tanging si Ramon S. Ang, ang tumutulong sa pangangailangan ng mamamayan at ikauunlad ng bayan.
Hindi nanghihinayang si RSA na gumastos ng sarili man n’yang pera para makatulong lang sa kaginhawaan ng buhay ng mga mahihirap partikular na sa pagkain at edukasyon ng mga ito. Mahalaga kay RSA ang edukasyon para maiahon ang buhay ng tao.
Hindi na mabilang ang kanyang mga naiambag sa pag-unlad ng bayan at para sa kaginhawaan ng mga motorista sa patuloy niyang pagpagawa ng mga expressway.
Si RSA ang pinakamayamang mamamayang Pilipino dahil sa ang kanyang daang bilyong kayamanan ay inialay niya para sa mamamayan at bayan. Kayamanang inihahandog niya sa mamamayan!
Sana’y dumami pa ang tulad nireng si RSA o Ramon S. Ang!!!
***
Hindi tumatanggap itong Grab Philippines ng subpoena mula sa Office of the Prosecutor na ipinadadala sa ano mang courier.
Kasi karamihan sa polisiya na ipinatutupad nireng Transport Network Vehicle Service (TNVS) ay labag sa batas. O hindi passenger-friendly ‘ika nga! Tsk, tsk, tsk!!
Biro n’yo, mga padrino ko, higit 5-taon na akong rehistrado sa Grab Philippines bilang senior citizen para makinabang sa 20% discount sa pasaheng sinisingil nito pero nang hanapin ang aking identification card na nagpapatunay na ako nga ang pasaherong nag-book ay ayaw kilalanin ng driver ang aking lisensya.
Kailangan daw ay ang mismong ID na inisyu ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA). Sus, ginoo!!
Kahit anong government-issued ID ay dapat tanggapin bilang patunay ng senior citizenship. At kapag rehistrado na sa Grab Philippines bilang senior citizen ay hindi na nito kailangan pang magpakita ng OSCA-issued ID kundi patunayan na lamang niya na siya ang pasaherong nag-book. Sus!
Ito raw ang isa sa unlawful policies ng bagong pamunuan ng Grab Philippines na ipinatutupad ng mga drivers nito.
Bagong pamunuan na iniisnab ang subpoena ng Office of the Prosecutor.
Dapat sa hindoroport na namumuno sa Grab Philippines na labis na binabastos ang batas ay ibalibag sa kulungan! O sa bartolina!!
Ibalibag!!!
***
Ipagpapatuloy ng Knights of Columbus Bishop Felix Assembly ACN 2357, Bacoor City, Cavite, sa Abril 13, ang paghahandog ng tulong sa mga kapus-palad partikular na yaong may mga kapansanang residente ng Luna, La Union.
Ito ang inihayag ni Worthy Faithful Navigator Wenceslao N. Antaran, Jr., na nagsabi rin na ang tinaguriang “Forever Young of Luna, La Union” ay sinimulan ng kanyang hinalinhan na si Past Worthy Faithful Navigator Cesar V. Laguda, ang kasalukuyang Faithful Admiral, at nakahanda na ang ipapamahaging tulong sa mga may kapansanan na bata at mga matatanda.
Ipinaaabot ni Program Director Sir Knight Avelino Galutan, ang taos-pusong pasasalamat ng Bishop Felix Assembly ACN 2357 kina President and CEO Ramon S. Ang, ng San Miguel Corporation; General Manager Melquiades “Mel” Robles, ng Philippine Charity Sweepstakes Office; at iba pang mga benefactors na nagbigay ng kanilang tulong para sa layuning ito.
Mabuhay ang Bishop Felix Assembly ACN 2357!
Para sa komentaryo: dodorosario@yahoo.com
