NFA nawawala na sa tamang landas — Sen. Marcos

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Imee Marcos na tuluyang nawala sa landas o hindi na nagagampanan ng National Food Authority (NFA) ang tungkulin nito sa harap ng pagbabawas ng pandaigdigang suplay ng bigas.

“Ang Pilipinas ngayon ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo at ang kawalan ng suplay ngayon ay lalo pang magiging masahol sa darating na mga buwan,” babala ni Marcos, na tumukoy sa mga problemang dulot ng El Niño at mga bansang nag-e-export ng bigas na nagbibigay-prayoridad sa kanilang sariling pangangailangan.

Ayon kay Marcos, maghahain ito bukas ng resolusyon sa Senado para imbestigahan ang “napakasuspetsosong” pagbebenta ng NFA ng 75,000 sako ng bigas sa dalawang negosyante habang maraming mamimili ang humihirit ng mas murang bigas.

“Ang NFA rin ang nanguna sa pagbili ng bigas mula sa India. Bakit sila napunta doon kung bawal na bawal sa kanilang charter ang mag-import?” ani Marcos.

Ayon sa senador ang kanyang yumaong ama, na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, ang nagtatag ng NFA noong 1972 upang bumili ng palay mula sa mga magsasaka, panatilihing mababa ang presyo ng bigas para sa mga Pilipino, at tiyakin ang sapat na buffer stock para sa mga kalamidad.

Gayunman, madalas na hindi natutugunan ng ahensya ang kinakailangang buffer stock at hindi makaya ang mas mataas na presyo ng palay sa mga magsasaka, na umaabot sa P27 kada kilo noong nakaraang taon.

Bagama’t bumaba na aniya ang presyo ng palay sa P23 , nasabi dati ng NFA na ang kakayahan nito para suportahan o bigyan ng subsidiya ang mga lokal na magsasaka ay nasa P17 hanggang P19 lamang kada kilo.

Sinabi ni Marcos na hindi kayang suportahan ng NFA ang lahat ng lokal na magsasaka na desperadong humihiling ng tulong, lalo na kapag napipilitan ang mga itong ibenta ng palugi ang kanilang ani o sa halagang mas mababa pa sa gastos ng produksyon nang dahil sa rice smuggling.

Sa gitna ng panawagan nitong imbestigasyon, iginiit ni Marcos na mahalaga ang malalimang pagsusuri sa mandato ng NFA upang harapin ang pandaigdigang kakulangan ng bigas sa bansa.

Leave a comment