
Ni NOEL ABUEL
Ibinunyag ng isang testigong iniharap ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations & Gender Equality na may nangyayaring marriage scam na kinasasangkutan ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ religious Leader Apollo Quiboloy sa bansang Canada.
Ito ang sinabi ni Dindo Maquiling, isa sa dalawang testigo na iniharap ni Senador Risa Hontiveros sa ikatlong pagdinig ng nasabing komite kung saan nagsilbi ang una bilang isa sa pinakamataas na opisyal ni Quiboloy sa Canada at Australia.
Ayon kay Maquiling, personal nitong naranasan ang pekeng kasalan sa Canada nang isang worker ng KOJC ang nangailangan ng tulong dahil mapapaso ang visa kung saan nagkunwang magpakasal upang masagip ang nasabing worker.
Sinabi pa nito, na mahigit sa 200 workers ni Quiboloy ang umano’y illegal na pinapadala sa Canada at tinutulungan ng iba pang tauhan ng huli hanggang sa ang iba ay napilitang magpakasal upang masagip na maipa-deport pabalik ng Pilipinas.
Inihalimbawa nito ang isang nagngangalang Jeremia Carreon na nagpakasal sa isang Elizabeth Delis Carreon upang maging legal ang pananatili sa Canada at maging immigrants.
Sa testimonya ni Maquiling, sinabi nitong tumulong ito kay Quiboloy para mangalap ng pondo para matulungan ang mga workers at mga bata na nasalanta ng nagdaang super typhoon Yolanda.
“So ako actually, manager ako ng Toys R Us [Canada]. Sabi ko, tulungan ko si Pastor Quiboloy para maka-raise ng funds, ng mas marami pang funds na kailangan sa mga taong nagsalanta sa Yolanda. So, lahat ng aking connections, connection ko sa mga mall, connection ko sa mga superstore, sa mga grocery stores, malalaki ito ha. They will be allowed to collect money,” sabi nito.
“Ginamit ko nga ‘yung aking connections dito. So, kausapin ko ang mga managers, then they will be there for three days, for a few days. Nakaka-raise sila ng halos $4,000 a night. So, talaga ako, masigasig ako dito. Then, after nu’n ako’y kinuha na nila na executive director,” dagdag pa ni Maquiling.
Sinabi pa ni Maquiling na nagpadala rin ito sa isang Rosalie Magnao ng $60,000 Canadian dollar para umano sa jet ni Pastor.
Nang umuwi aniya ito ng Pilipinas ay dinalaw ang shelter ng KOJC ay nakita nito na ang mga batang tinutulungan ay pawang anak ng mga full time workers na pinapadala ni Quiboloy sa iba’t ibang bansa at hindi ng mga mahihirap.
“So, dinalaw ko na itong mga shelter. Nu’ng dinalaw ko mga shelters, napag-alaman ko na ang mga bata pala sa shelter, ay mostly anak ng mga full-time worker na pinapadala niya sa iba’t mga bansa. Most of the children that were there, ay mga anak ng mga full-time miracle worker niya. So, hindi talaga siya tulong, tulong para sa mga mahihirap,” ayon pa dito.
“Nu’ng ako’y nandu’n, wala pang halos 500 na, wala pang halos 300 na bata,” ayon pa sa testigo.
Sinabi pa ni Maquiling nang taong 2019, bago mag-resign sa KOJC ay nagpadala umano ito sa Pilipinas ng mahigit sa 1 million Canadian dollar.
“Sabi ko, oh my God, sabi ko. Ito na ‘yung afternoon nahuli siya sa Hawaii kasi, iyon talaga ang sistema nila. Collect money from North America, ikarga nila sa jet para dalhin sa Pilipinas …na walang fees, walang bawas,” giit ni Maquiling.
Dinagdag pa nito na inakalang ang nakuhang malaking pera na tulong mula sa Canada at Australia ay ginamit pala sa pagbili ng fuel ng jet ni Quiboloy.
“Niloloko mo ‘yung mga tao na nungulit para sa bata, ‘yun pala pang gasolina lang pala sa jet kasi bibiyahin mula Luzon mula Davao papunta sa Maynila… kasi kung ano ano ‘yung atinan niya sa Maynila wala daw pang fuel 60,000.. 40,000, 100,000 basta ‘yung million talaga,” giit nito.
Samantala, sa pagdinig ay pina-contempt ni Hontiveros si Quiboloy matapos muli nitong isnabin ang pagdinig kung kaya’t dapat na aniya itong arestuhin.
Kinontra naman ni Senador Robinhood “Ribon” Padilla ang contempt order ni Hontiveros.
“Ipagpaumanhin na po ninyo, akin pong tinututulan ang naging pasya na ma-contempt si Pastor Quiboloy. With all due respect,” ani Padilla.
Ayon kay Hontiveros, “well-noted” ang pagtutol ni Padilla at sinabing pinapayagan ng Section 18 ng rules of procedure governing inquiries in aid of legislation ang mayorya ng miyembro ng komite na baligtarin o i-modify ang order of contempt sa loob ng pitong araw.
