
Ni NOEL ABUEL
Binisita ng mga miyembro ng parlyamento ng Mongolia ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ngayong Lunes upang higit pang pag-aralan ang Philippine taxation reform at budget planning process.
Sinalubong ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means ang mga delegado mula sa Mongolia at sinamahan nina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at House Committee on Foreign Affairs vice chairman Rep. Emigdio Tanjuatco III.
Ayon kay Honorable Ganzorig Temuulen, miyembro ng State Great Hural (Parliament) ng Mongolia at pinuno ng delegasyon, layon ng kanilang pagbisita ang pagpapaunlad ng kanilang ugnayang bilateral at people-to-people exchanges sa pagitan ng Pilipinas at Mongolia.
Sinabi ni Temuulen, na siya ring pangulo ng Mongolia-Philippines Friendship Society, na hangad ng delegasyon ang, “eager to learn from the Philippines.”
Ipinagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng ugnayang Philippine-Mongolia noong nakaraang taon.
Sa pagbanggit ng progressive tax at economics statistics ng Mongolia, sinabi ni Salceda na Pilipinas ang may matutunan sa Mongolia, “not the other way around.”
Gayunpaman, sinabi nito na ang mga pagsisikap ng Pilipinas na ireporma ang mga proseso sa pagbubuwis bilang bahagi ng kanilag paghahanda sa global minimum tax system.
Binanggit nito ang Republic Act (RA) 11534, s. 2023, o ang batas na kilala bilang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, na nagsaayos ng mga incentives enterprises sa Pilipinas para sa kanilang kapakinabangan.
Pinuri rin nito ang Mongolia sa kanilang taxation system para sa industriya ng pagmimina, kahit pa gumagawa rin ang Pilipinas ng mga inisyatiba para tugunan ang base erosion and profit shifting (BEPS), na ginagamit ng mga multinational enterprises upang iwasan ang pagbabayad ng wastong buwis.
Nakuha ni Rodriguez ang tulong ng delegasyon ng Mongolia na manatiling walang kikilingan sa mga ginagawa ng China sa West Philippine Sea at sa lugar ng Philippine Rise.
Pinapurihan naman ni Tanjuatco, na dumalo sa pulong at nagpahayag sa ngalan ni Rep. Maria Rachel Arenas (3rd District, Pangasinan), chairperson ng House Committee on Foreign Affairs, ang pagsisikap ng delegasyon ng Mongolia na paigtingin ang ugnayang bilateral sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang Mongolian delegation ay ipinasyal sa palibot ng Kamara de Representantes, na nagtapos sa Bulwagan ng Kapulungan kung saan ay pormal silang ipinakilala.
