
Ni NERIO AGUAS
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pinay na biktima ng mail order bride scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ulat ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES), nasagip ang di pinangalanang 20-anyos na Pinay at naharang ang 34-anyos na Chinese national na escort ng huli.
Nabatid na ang biktima ay patungo sa Shenzhen, China kasama ang umano’y mister nito sakay ng Air Asia flight noong gabi ng Pebrero 28 sa NAIA Terminal 3.
“The immigration officer said both the victim and the suspect acted very suspiciously when asked about their supposed marriage,” sabi niBI Commissioner Norman Tansingco.
Dahil sa hindi nakasagot ang babaeng biktima ng mga pangunahing detalye tungkol sa kanilang kasal, agad na dinala ang mga ito sa I-PROBES na nagsabing nagprisinta ito ng PSA certificate of marriage na nagsasabing ikinasal sila sa isang restaurant sa Pasig City.
Sa inspeksyon ng forensic documents laboratory ng BI, nakumpirmang totoo ang dokumentong ipinakita ng biktima.
“However, our officers were alert enough to be suspicious of their statements, having seen several cases like it before,” sabi niTansingco.
Kalaunan ay inamin ng biktima na walang aktwal na kasalang nangyari, at ang marriage certificate ay prinoseso ng kanyang Chinese escort sa pamamagitan ng isang ahente.
Inamin ng mga ito na nagbayad ang mga ito ng P45,000 para sa pagproseso ng tunay na dokumento na may pekeng detalye.
“This is obviously another case of the mail order bride scheme that has resurfaced recently. In these scheme, victims are made to pretend to be the spouse of a foreign national, but they end up as pseudo wives doing domestic work in their destination,” ayon sa BI chief.
Agad na dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking ang Pinay at escort nito para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.
