
Ni NOEL ABUEL
Inaprubahan na ngayong araw ng House Committee on Basic Education and Culture sa Kamara na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, ang substitute bill sa House Bill 8393, na naglalayong patatagin ang Early Childhood Care and Development (ECCD) System ng bansa.
Sakaling tuluyang maging batas, ipapawalang-bisa ng panukala ang Republic Act 10410, o ang “Early Years Act (EYA) of 2013.”
Isinusulong ng panukalang inihain nina Romulo at Negros Occidental Rep. Jose Francisco “Kiko” Benitez, ang mga karapatan ng mga bata na mabuhay sa isang malusog at tuluy-tuloy na programa sa nutrisyon, age-appropriate development at special protection, na may ganap na pagkilala sa katutubong kaugalian ng mga bata, gayundin ang mga pangangailangan na magbahagi ng naayong karanasan, upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan bilang polisya ng estado.
Pinagtitibay rin ng panukala ang papel ng mga magulang bilang mga pangunahing tagapag-alaga at bilang unang guro ng kanilang mga anak.
Maliban dito ay tinutukoy ang edad mula zero hanggang walong taong gulang bilang mga unang mahahalagang hakbang tungo sa educational development.
At dahil sa hindi nililimitahan ang pangunahing karapatan at tungkulin ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak, iminamandato sa ECCD Council ng panukala ang mga pagiging responsable para mga batang limang taon pababa ang edad, habang ang responsibilidad na tulungan na maturuan ang mga bata sa kanilang paglaki, sa pagitan ng lima hanggang walong taon ay ipamamahala sa Department of Education (DepED).
Sa ilalim ng panukala, gagawing institusyon ng estado ang isang komprehensibo, sama-sama, at tuluy-tuloy na ECCD System na multisectoral, na may kaugnay na mga ahensya na nakikipagtulungan sa pambansa at lokal na antas; sa pagitan ng mga service providers, pamilya at komunidad; at sa pagitan ng mga pampubliko at pribadong sektor, non-government organizations, gayundin sa pagitan ng mga professional associations at academic institutions.
Tinutukoy ng panukala ang ECCD System bilang isang ganap na saklaw ng mga programang kalusugan, nutrisyon, early childhood education at social services development, na nagbabahagi ng mga basic holistic needs para sa mga batang limang taong gulang, at isulong ang kanilang ganap na paglaki at kaunlaran.
Ang ECCD Council na isinusulong sa panukala ay nagmumungkahi na ibilang rito ang kalihim ng DILG, bilang ex officio chairperson; Executive Director ng ECCD bilang vice chairperson; at mga kalihim ng DSWD, DOH at DepEd, CHED Chairman, TESDA Director General, National Nutrition Council Executive Director, at ULAP President bilang mga miyembro.
Ang ECCD Council, na isasailalim sa DILG, ay aatasan na magbalangkas ng mga national standards, magpaunlad ng mga polisya at mga programa, tiyakin ang pagpapatupad ng mga ito, magbahagi ng mga tulong tekhnikal at suporta para sa mga ECCD service providers, sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa mga komite sa antas ng panlalawigan, panlungsod, pambayan at pambarangay.
