5 alien pedophiles naharang ng BI sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na limang foreign pedophiles ang hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago pa makapasok sa bansa.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nasabing mga dayuhan ay kinabibilangan ng apat na US nationals at isang New Zealander, na pawang mga registered sex offenders (RSOs) na pinigilang makapasok sa NAIA noong Pebrero 29 hanggang Marso 3.

Dagdag pa ni Tansingco, agad na pinabalik sa pinanggalingang bansa ang mga naturang mga dayuhan at inilagay sa BI blacklist ng pagiging undesirable aliens upang hindi na makabalik sa bansa.

Nabatid na noong Pebrero 29 nang maharang si Daniel Lee Downey, 45-anyos, sa NAIA Terminal 1 nang dumating sakay ng China Airlines flight mula sa Taipei.

Sa record, si Downey ay hinatulan ng California court sa paggawa ng mahalay na gawain sa isang batang wala pang 14 taong gulang.

Habang noong Marso 1, hinarang din ng BI officers sa NAIA Terminal 3 ang New Zealander na si Richard Neil Smith, 73-anyos, na dumating sakay ng Scoot Airways flight mula Singapore at inulat na nahatulan sa kasong child sex offender sa bansa nito.

At noong nakalipas na Biyernes, pinigilang makapasok sa bansa si Shannon Barlow, 60-anyos matapos dumating sa NAIA Terminal 3 sakay ng Air Nippon Airways mula from Tokyo.

Si Barlow ay nahatulan ng sexual abuse ng korte sa Chicago noong 1996 at sinentensiyahan ng pagkakulong ng mahigit sa tatlong taon.

Habang noong Marso 2, isa pang US national na si Randy Ray Rogers, 64-anyos, na na-exclude sa NAIA Terminal 3 matapos dumating sakay ng Turkish Airlines flight mula Istanbul.

Si Rogers ay nahatulan sa Texas sa dalawang bilang ng aggravated sexual assault kung saan ang mga biktima ay 19 at 24 taong gulang na mga babae.

Sa nasabing petsa, naharang si John Herbert Timbol, NAIA Terminal 3 nang dumating sakay ng Philippines Airlines flight mula Los Angeles, California.

Sinasabing si Timbol ay nahatulan sa North Carolina sa kasong sekswal na pagkakasala sa first degree laban sa isang hindi kilalang biktima.

Leave a comment