
Ni JUN DAVID
Arestado ang isang chef ng kilalang establisimiyento makaraang ireklamo ng pangmomolestiya ng kolehiya sa Antipolo City.
Kinilala ni Police Master Sergeant Divina Rafael, ng Women’s and Children Protection Division ang nadakip na suspek na si John Paul Aguilar Sia, 41-anyos, may-asawa, chef ng Unilever Philippines at residente ng Blk 18 Lot 1, Hack Berry Drive, Solenn Residences, Sta. Rosa City, Laguna.
Samantala, sadya namang itinago ang pagkakakilanlan ng biktima na labis na nakaramdam ng takot dahil sa sinapit nito sa kamay ng suspek.
Base sa ulat, nangyari ang pang-aabuso umano ng suspek sa biktima noong nakalipas na Marso 2, 2024 sa Bgy. Mayamot, Antipolo City.
Sinasabing sinamantala ng suspek ang kahinaan ng biktima kung saan nangyari ang pang-aabuso.
Dahil dito, nagsumbong sa mga awtoridad ang biktima at agad na inaresto ang suspek na hindi na nakapalag nang arestuhin ng mga pulis.
Sinampahan ng kasong sexual abuse ang suspek at ngayon ay naghihimas ng rehas na bakal sa piitan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa nasabing kaso.
