
Ni NOEL ABUEL
Ito ang sinabi ni House Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo matapos na kumpirmahin ni Dinagat Islands Rep. Alan 1 Ecleo ang pagtatakda ng imbestigasyon.
“Nagkaroon lang ho tayo ng Committee of the Whole na mga hearing ho ngayon kaya hindi maumpisahan, pero next week nangako po si Cong. Ecleo na uumpisahan na ho namin ‘yung imbestigasyon kasi po baka nakakalimutan na ho,” ayon kay Tulfo.
Sinabi nito na ang trahedya ay hindi maaaring balewalain dahil 98 katao ang binawian ng buhay.
“Hindi ho natin pwedeng balewalain. Okay lang ho kung walang namatay maski gumuho pa ‘yung mundo kung wala naman hong namatay okay lang. Pero 98 ho eh. Wala naman hong batang namatay pero may mga babae hong namatay,” aniya.
Binanggit nito kung papaano ang Mines and Geosciences Bureau (MGB), noon pang 2008, ay nagbabala na laban sa pagtatayo ng mga kabahayan sa nasabing lugar.
“Sinabi na nga ho ng MGB ‘wag n’yong tayuan ito, 2008 pa. Tayo ho ng tayo ng bahay. Ngayon wala na hong bahay dahil gumuho na lahat. Mas marami pa pong lugar doon na may ‘No Build Zone’ pero may mga istraktura. Kaya panawagan ho natin sa LGU, parang awa mo na mayor, gobernor, sir paki lang, dahil ho merong structure, huwag na ho nating dagdagan 98 plus walong nawawala, huwag na ho nating dagdagan,” panawagan ni Tulfo.
Naalala ng kongresista ang pagguho ay nangyari noong Pebrero bago ang Araw ng mga Puso, na may nawawala pang 8 katao.
Sinabi pa ni Tulfo, kasama sina ACT-CIS party-list Reps. Jocelyn Tulfo at Edvic Yap, Quezon City Rep. Ralph Wendel Tulfo, Benguet Rep. Eric Go Yap, at Davao de Oro Rep. Ruwel Peter Gonzaga, ay naghain ng House Resolution 1568 upang imbestigahan, bilang ayuda sa leshislasyon, para matiyak na ang mga nangyari at mga nasawi ay hindi malilimutan.
Isinasaad sa resolusyon na ang naganap na pagguho sa gold mining village ng Barangay Masara sa bayan ng Maco, Davao de Oro, ay nagresulta sa pagkasawi ng buhay, pagkawala ng mga tao, maraming sugatan at hindi mabilang na kabahayan na nabaon at natabunan.
Nang inihain ang HR 1568 noong ika-12 ng Pebrero, 54 katao ang nasawi at 63 ang nawawala.
