
Ni NOEL ABUEL
Pinawi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang pangamba ng mga miyembro ng Makabayan bloc na baguhin ang Saligang Batas sa pagsasabing hindi nito mapapabuti ang kalagayan ng pamumuhay ng mga Pilipino na karamihan ay mahihirap.
“It’s human nature to be afraid of change. Natural po ‘yan sa tao. Bawat tao, kapag meron pagbabago, any change, kaakibat doon ‘yung fear at…pero ang katanungan, kung patuloy tayo magpapamanipula sa…fear of change, walang patutunguhan ang bansa natin at ikakahiya natin ‘yun sa ating mga apo at mga apo ng ating apo,” paliwanag pa nito.
“Change is vital in any institution. Kasi habang umaandar ang mundo, umaandar ang mga taon, kaakibat diyan ay ang pagbabago para tugunan ang mga pangangailangan,” dagdag nito.
Inihalimbawa pa ni Garin na ang mga Pilipino ay gumagamit ng beeper bago ang pagdating ng mga mobile phone.
“Itong mga pagbabago sa teknolohiya, kapag dumarating, ang dami munang intriga before ginagamit, kasi ganoon talaga iyon. Again, it’s human nature to be afraid of change, but that fear is always overcome by the positive impact of that change,” aniya.
Sinabi pa ng mambabatas na ang adbokasiya ng Kamara sa pag-amiyenda sa restrictive economic provisions ng Konstitusyon ay binalot din ng mga intriga.
“’Yung economic Cha-cha, madaming mga intriga. Pero tingnan natin ang panukalang batas. Nakasaad doon ang tatlong bagay na nilagyan ng ‘unless otherwise provided by law.’ Tatlo iyon – public utilities, ibig sabihin transport sector, kuryente, internet tubig at iba pa related to public utilities. Pangalawa, education sector pangatlo, advertising industry. Iyan iyong tatlong nakasaad sa Resolution of Both Houses No. 7,” paliwanag ni Garin.
“In other words, diyan ka lang iikot, hindi ka naman pwedeng gumawa ng batas na talagang malayung-malayo…that is very clear. Kaya ‘yung mga takot ng Makabayan bloc, hindi po ‘yan mangyayari,” sabi pa nito.
Ipinaliwanag ni Garin na ang paglalagay ng salitang “unless otherwise provided by law” sa mga probisyon sa ekonomiya ng Konstitusyon ay magbibigay ng flexibility sa Kongreso sa pagpasa ng mga batas na nakakaapekto sa mga public utilities, edukasyon at advertising
Sinabi naman ni Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na panahon nang amiyendahan ang 37-taon nang Konstitusyon.
“This is a Constitution that was done prior to the advent of Netflix, prior to the advent of Google, prior to the advent of many other technologies na sinabi nga ng aking mga kasamahan dito. Opportunities are outside, we just have to grab it. But we cannot, because we simply do not want it, because of fear,” ayon pa dito.
