Japanese fugitive arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang Japanese national na wanted sa bansa nito dahil sa kasong large-scale theft.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nasabing dayuhan na si Takayuki Kagoshima, 54-anyos, na nadakip noong Marso 4 sa kahabaan ng Roxas Blvd., Pasay City ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU).

Sinabi ni Tansingco na si Kagoshima ay dinakip sa bisa ng arrest warrant base sa summary deportation order na inilabas ng BI board of commissioners noong Oktubre 2023.

“In view of the fact that he was already ordered deported for being an undesirable alien, he will be sent back to Japan as soon as we have secured the required clearances for his departure,” sabi ni Tansingco.

Idinagdag nito na ang pangalan ni Kagoshima ay kasama na sa blacklist ng BI kung kaya’t hindi na ito muling makakapamasok sa Pilipinas.

Sa isinagawang pagsisiyasat sa kanyang travel record showed natuklasan na si Kagoshima ay overstaying na sa bansa kung saan huling dumating ito sa bansa noong Nobyembre 7, 2022.

Ayon sa Japan authorities, si Kagoshima ay napapailalim sa warrant of arrest na inisyu ng korte sa Fukuoka prefecture kung saan ito ay kinasuhan ng pagnanakaw na paglabag sa Article 235 ng Japanese Penal Code.

Inakusahan ng mga awtoridad si Kagoshima na miyembro ng “JP Dragon syndicate” na nagplanong magnakaw ng mga cash cards mula sa kanilang mga biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga pulis.

Napag-alaman pa na si Kagoshima ay isang undocumented alien dahil ang kanyang passport ay binawi na ng Japanese government.

Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito palabas ng bansa.

Leave a comment