Sa NAIA pest infestation

Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Christopher Bong Go sa pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na agad na solusyunan ang nagkalat na peste sa paligid ng main gateway ng bansa.
Sa ambush interview sa Lucena City, Quezon kung saan namahagi ito ng tulong sa mga mahihirap na pamilya.
Ani Go, na miyembro ng Senate Public Services Committee, nababahala ito sa mga ulat ng mga surot at daga na sumasalot sa NAIA.
Binigyan-diin nito ang kahalagahan ng paliparan lalo na para sa mga turista at lokal na manlalakbay, at ang negatibong epekto ng naturang infestation sa imahe ng Pilipinas.
“Unang-una, ang airport po natin ang sumasalubong sa ating mga tourist, foreign guests at mismong local travelers. Ako mismo, sumasakay po ako diyan sa NAIA. Napakapangit naman na may problema sa peste diyan,” sabi ni Go.
“Sana po ay maayos ito ng soonest possible time at walang surot, walang daga. Nakakahiya naman. Sobrang nakakahiya naman po sa mga bisita natin dito na may makikitang surot at daga diyan sa NAIA,” dagdag nito.
Ang mga pahayag ng senador ay nagmula sa dumaraming mga reklamo ng pasahero at mga ulat ng balita na nagdedetalye ng masamang karanasan sa bedbug ng isang manlalakbay sa NAIA Terminal 2.
“May pondo naman po ang gobyerno. Nakikiusap po ako sa authorities, nakikiusap po ako sa Department of Transportation… sa DOTr, sa ating NAIA management, may pondo naman kayo. Nagbabayad naman po ng buwis ang Pilipino, gamitin n’yo lang po sa tama,” paliwanag pa nito.
Inamin ni MIAA General Manager Eric Jose Ines ang mga sanitary lapses at inako ang responsibilidad para sa infestation at humingi ng paumanhin sa mga apektadong indibidwal.
Iniutos nito ang paglilinis kabilang ang inspeksyon at pagpapausok sa mga lugar ng upuan at ang pagtanggal ng mga rattan chair.
Kasunod ng pagkawala ng kuryente na nagdulot ng abala sa NAIA, nanawagan din si Go, noong Hunyo ng nakaraang taon, sa mga kinauukulang awtoridad na gumawa ng mga kinakailangang pagsisikap upang maiwasan ang mga ganitong insidente.
Binigyan-diin nito ang pangangailangang pagbutihin ang mga serbisyo sa NAIA, na siyang pangunahing gateway ng bansa.
