NFA officials sangkot sa pagmekus-mekus ng bigas — Rep. Tulfo

Ni NOEL ABUEL

Mariing kinastigo ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo ang National Food Authority (NFA) dahil sa umanoy “pagmekus-mekus” o pagmanipula nito sa supply ng bigas sa bansa na nagresulta sa preventive suspension ng administrator at 138 pang opisyal at empleyado ng ahensya.

Ito ang inihayag ni Tulfo sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, ukol sa maanomalyang pagbenta ng buffer stocks ng bigas ng gobyerno.

“Sa tingin ko may plano talaga na i-hokus pokus ito, i-mekus-mekus itong mga stock na ito para maibenta sa mga pribadong korporasyon,” sabi ni Tulfo.

Nakatanggap ng sermon at galit kay Tulfo si NFA Administrator Roderico Bioco matapos nitong amining walang bidding na naganap sa bentahan ng bigas.

Sinabihan din ni Tulfo si Bioco kung paano nito pinili ang mga kumpanya kung saan ibinenta ang bigas.

“Yun ang excuse mo kaya mo ibinenta ng P25 per kilo, as is, where is, kasi malapit nang mabulok kaya ninyo ibinenta?” tanong ni Tulfo.

“Yes, because that’s the maximum allowable price,” sagot ni Bioco.

“Bakit hindi sa gobyerno ibinenta bakit sa pribadong korporasyon? Susmaryosep, November, December, ikot nang ikot ang House leadership naghahanap ng murang bigas. Ang tao nagugutom, napakamahal ng bigas sa mga oras na ‘yun ang presyo ng bigas umaabot sa P70 (per kilo), meron pala kayong bigas na ganu’n. Bakit hindi n’yo na lang sinabihan ang gobyerno na meron kayong bigas?” diin ni Tulfo.

“Talagang gumawa sila ng ‘hokus-pokus’ para magic-in ito. Akala makakalimutan,” dagdag pa ni Tulfo.

Kinastigo rin ni Tulfo ang Commission on Audit (COA) partikular ang resident auditors ng NFA dahil hindi umano nito nagawa ang kanilang tungkulin at hindi maayos na mino-monitor ang mga transaksyon sa ahensya.

“Bakit hindi ninyo alam ang nangyayari, bakit hindi ninyo alam ito? It looks like you’re not doing your job. Baka po kayo ay tulog lang o baka po kayo ay nakapikit lang at nakapiring ang mata,” aniya.

Tugon naman ng kinatawan ng COA na hindi nito na-monitor ang mga warehouses dahil ito ay matatagpuan sa mga regional offices ng NFA at ito ay nasa ilalim ng regional auditors.

Inusisa rin ng mambabatas ang NFA kung bakit ibinenta ang rice buffer sa pribadong kumpanya sa halip na ibigay ito sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Bureau of Corrections (Bucor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kung saan mas kailangan ang mga stock ng bigas.

“Bakit hindi n’yo po ipinasa sa mga government agencies, bakit sa private corporations pa?” tanong ni Tulfo.

“Ang hawak natin by July and August mga aging stocks, kahit na i-remilled natin at kung hindi sila sang-ayon sa quality, then hindi sila bibili sa atin,” sagot ni Bioco.

Gayunpaman, hindi masagot ni Bioco kung nagbigay ito ng impormasyon sa nasabing mga ahensya ng gobyerno tungkol sa mga stock ng bigas.

“Wala po tayong letter directly,” sagot ni Bioco.

Nagpakita naman si Enverga, ng isang sulat ng DSWD sa NFA na humihiling ng suplay ng bigas, ngunit tinanggihan ito ng huli.

“Mayroon po tayong kopya na tinanggihan ninyo ang DSWD du’n sa request nila,” sabi ni Enverga.

Si Abang Lingkod party list Rep. Joseph Stepehen Paduano naman ay humiling sa komite na imbitahan ang mga opisyal mula sa Ombudsman upang magpaliwanag sa kanilang imbestigasyon.

Kamakailan ay sinuspiende ng Office of the Ombudsman ng anim na buwan si NFA Administrator Bioco at 138 pang iba pang opisyal at empleyado ng ahensya habang isinasagawa ang imbestigasyon ukol sa maanomalyang pagbenta ng buffer stocks ng bigas ng gobyerno.

Leave a comment