OFW party list nakiramay sa nasawing 2 Pinoy seafarers sa pag-atake ng rebeldeng Houthi

Rep. Marissa “del Mar” Magsino

Ni NOEL ABUEL

Nagparating ng nakikiramay ang OFW party list sa pamilya ng mga nasawing dalawang overseas Filipino workers (OFWs) sa pag-atake ng rebeldeng Houthi sa Gulf of Aden.

“Ikinalulungkot natin ang pagkasawi ng ating dalawang Pilipinong seafarers dahil sa missile attack ng Houthi rebels sa Gulf of Aden. Nakikiramay tayo sa kanilang naiwang pamilyang. Ipinagdarasal din natin ang ibang Filipino crew members ng barkong “True Confidence” na nadamay sa atake,” sa pahayag ni OFW party list Rep. Marissa “del Mar” Magsino.

Sa nasabing missile attack maliban sa nasawing Pinoy seafarers ay anim na crew members ng M/V True Confidence, a Barbados-flagged, Liberian-owned bulk carrier ang nasugatan.

Ayon pa sa kongresista, dahil sa maselang trabaho ng mga OFWs ay dapat na agarang ipasa ang Magna Carta for Filipino Seafarers.

“Ang ganitong mga trahedya ay nagpapakita ng panganib sa trabaho na kinakaharap ng ating mga marino at sa kahalagahan ng agarang pagpasa ng Magna Carta for Filipino Seafarers upang mapangalagaan ang kanilang kapakanan, pati ng kanilang pamilya sa panahon ng mga krisis,” ayon pa kay Magsino.

“Nais natin masiguro ang ligtas at maayos na lugar ng trabaho na sumusunod sa pamantayan ng kaligtasan. Kasama na dito ang pananagutan ng ship owners sakaling may kapabayaan sa pagbaybay sa high risk areas tulad ng Gulf of Aden,” dagdag nito.

Nanawagan din ang nasabing mambabatas sa United Nations (UN) at sa Security Council na mamagitan sa pagbibigay ng seguridad sa mga barkong naglalayag sa Gulf of Aden

“Ating ipinapanagawan din sa United Nations (UN), lalo na Security Council, na mamagitan sa pagbibigay ng seguridad sa mga barko na naglalayag sa mga rutang ito na siyang nakalaang baybayin sa pandaigdigang pangkalakalan,” sabi pa ni Magsino.

“Nais lamang ng ating mga Filipino seafarers na magtrabahao at mamuhay nang mapayapa subalit damay sa mga geopolitical tensions na bumabalot sa mga bansa ng kanilang vessels o kaya rutang dinadaanan sa karagatan. Ito’y nakakalungkot na realidad na sana’y matulungang mabago ng ating mga polisiyang magpapalakas sa karapatan at kapakanan ng ating mga marino,” pahayag pa nito.

Leave a comment