
Ni NOEL ABUEL
Hinamon ni Senador Win Gatchalian ang mga electric cooperative (EC) na maghanap ng mga paraan upang mapababa ang halaga ng kuryente para sa kapakanan ng mga konsyumer habang isinusulong ang paggamit ng renewable energy (RE) sa mga lugar ng Small Power Utilities Group (SPUG).
Inihalimbawa ni Gatchalian ang kaso ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO), na matagumpay na nakatipid para sa mga konsyumer nito sa Romblon sa pamamagitan ng paggamit ng hybrid system para sa pagbibigay ng kuryente.
Sa pamamagitan ng grant mula sa Germany na naglalayong bumuo ng mga hybrid system para sa mga off-grid na lugar, pinalawak ng ROMELCO ang hybrid system nito.
Sa kasalukuyan, ipinagmalaki nito ang energy mix na 73% diesel at 27% solar.
Sinimulan ng kooperatiba ang isang proyekto upang higit pang taasan ang gamit nito ng renewable energy (RE) sa 90% at 10% na lang ang diesel.
Ayon kay ROMELCO General Manager Rene Fajilagutan, ang tinatawag na ‘levelized cost of electricity’ (LCOE) sa kaso ng solar noong 2023 ay P3.80/kWh, mas mababa kaysa sa tunay na generation cost na hanggang P28/kWh para sa diesel sa ilang maliit na isla sa Romblon.
Binanggit din ni Fajilagutan na ang paggamit ng RE sa Romblon ay nakaipon ng humigit-kumulang P150 kada buwan para sa mga sambahayan na kumokonsumo ng humigit-kumulang 50 kWh, na nag-aambag sa isang system-wide savings na humigit-kumulang P100 milyon noong 2023.
“Nais nating hikayatin ang maliliit na power utilities group areas na matuto sa karanasan ng ROMELCO at ituloy ang paggamit ng renewable energy,” diin ni Gatchalian, na nagsisilbing vice-chair ng Senate Committee on Energy.
Higit pa sa layunin na makamit ang 100% electrification sa kanilang mga service areas, giit ng senador na dapat mag-strategize ang mga kooperatiba upang maibaba ang presyo ng enerhiya.
“Alam kong napakahirap na bawasan ang mataas na singil sa kuryente sa ating bansa ngunit ang mga kooperatiba ay dapat na patuloy na nagsusulong ng mga paraan para mapababa ang halaga ng kuryente,” sabi ni Gatchalian.
Ito ay mga pahayag ng senador sa isinagawang public hearing kamakailan ng Senate Committee on Public Services hinggil sa pagbibigay ng prangkisa sa ilang electric cooperatives sa bansa.
