Villar itinangging nagpaplano ng kudeta vs Zubiri

Ni NOEL ABUEL

Itinanggi ni Senador Cynthia Villar na may kinalaman ito sa usap-usapang kudeta para palitan si Senate President Juan Miguel Zubiri bilang pinuno ng Senado.

Sinabi ni Villar na wala itong nakikitang kabiguan ni Zubiri sa pagtimon sa Senado at pakikitungo sa mga kapwa nito senador.

“Wala naman akong problema kay SP Zubiri eh hindi naman ako ang nagpaplano ng coup,” tugon ni Villar sa pag-uusisa ng mga mamamahayag.

Magugunitang naging usap-usapan sa mga nakalipas na araw na may mga nagpaplanong patalsikin si Zubiri na kinumpirma ng ilang senador kabilang si Senador Imee Marcos.

Samantala, una nang sinabi ni Zubiri na base sa pagkakaalam nito ay wala itong nalalamang may senador na nagpaplanong patalsikin ito sa posisyon.

Patunay aniya nito, na sa manifesto na umikot sa mga senador, 17 sa 24 senador ang pumirma para ipakita ang suporta ng mga ito sa kasalukuyang liderato ng Senado at ni Zubiri.

Itinuro ni Zubiri na posibleng mula sa labas ng Senado ang nagpapakalat ng kudeta dahil sa kasalukuyan ay maayos ang relasyon nito sa mga kapwa senador.

Usap-usapan din na si Senador Jinggoy Estrada ang posibleng pumalit kay Zubiri na mariin namang itinanggi ng una.

Leave a comment