DOLE inilunsad ang gender at development agenda, MOVE-DOLE chapter

Ni NERIO AGUAS

Kasabay ng pagdiriwang ng buwan ng kababaihan, nagsagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga panibagong hakbang tungo sa pagpapalakas ng gender and development (GAD) at upang wakasan ang karahasan laban sa mga kababaihan.

Inilunsad ng DOLE ang GAD Agenda 2024-2028: Framework Strategic Plan na naglalatag sa mga plano, target, results at outcome ng DOLE, at reference monitoring at evaluation framework upang gawing gender-responsive ang mga programa, aktibidad at proyekto ng DOLE.

Inilunsad din ng DOLE ang sarili nitong chapter na Men Opposed to Violence Against Women Everywhere (MOVE), na humihikayat sa lahat ng kalalakihan ng kagawaran na makibahagi upang pigilan at tuluyang wakasan ang lahat ng uri ng karahasan, pang-aabuso, at diskriminasyon laban sa mga kababaihan.

“Tayong mga kalalakihan ay magiging aktibong katuwang upang wakasan ang iba’t ibang uri ng diskriminasyon, panliligalig, at karahasan sa lahat ng lugar, ito man po ay sa ating mga tahanan, paaralan, sa ating mga tanggapan, sa mga pagawaan, at sa ating lipunan,” pahayag ni Undersecretary Benjo Santos M. Benavidez.

“Batayang karapatan ng bawat isang mamamayan ang maging malaya sa ano mang porma ng pang-aabuso at karahasan sa mundo ng trabaho,” dagdag niya, at binanggit ang bagong niratipikahang International Labor Organization Convention No. 190 on Violence and Harassment in the Workplace at ang United Nations Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women kung saan bahagi ang Pilipinas.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Sec. Bienvenido E. Laguesma na ang mga bagong inisyatibo ay kontribusyon ng ahensya sa layunin ng administrasyong Marcos na “Bagong Pilipinas” – tatak ng pamamahala na kumikilala at nagbibigay-prayoridad sa karapatan, kapakanan, at kalagayan ng bawat Pilipino, kabilang ang mga kababaihan.

Binigyan-diin din ni Laguesma ang pangangailangan na maisulong ang pagkakapantay-pantay anuman ang kasarian, gayundin ang kahalagahan na dapat umpisahan ang pagpigil sa karahasan at diskriminasyon sa antas ng sambahayan.

“Dapat hindi lang sa pamamagitan ng paglalagda sa dokumento at pagsasalita na tayo po ay kabahagi sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga kababaihan, dapat din siguro kagaya ng ating ginagawang panunumpa, dapat ay ating isaisip, isapuso, at isagawa,” aniya.

Pinangasiwaan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), ang pagpapakilala sa dalawang mahahalagang hakbangin na sinaksihan ng mga kawani ng Central Office, bureau, at attached agencies.

Nilagdaan ng mga kalalakihang senior official at mga kawani ng DOLE ang MOVE board upang ipahiwatig ang kanilang mga pangako at suporta sa mga pagsisikap na wakasan ang karahasan at diskriminasyon laban sa kababaihan.

Leave a comment